MMCHD NEWS RELEASE NO. 154
December 27, 2022
Nakiisa si Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa isinagawang paglulunsad ng Caravan of Special Protection Programs para sa mga bata, pamilya, at mga katutubo sa mga lansangan sa Luneta Park, noong ika-22 ng Disyembre, 2022.
Ang Caravan, ay tinawag na “Pangkabuhayan at Pamaskong Handog ng Pangulo at Unang Ginang Marcos at ng Sambayanang Pilipino para sa mga Indigenous Peoples at Street Dwellers”, na joint project ng Office of the President at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naglalayong ilapit ang gobyerno sa vulnerable sector.
Ito ay kung saan tinatayang nasa 400 na kabataan, 574 indibidwal at pamilyang napapabilang sa indigenous people (IP) groups na dating nasa mga lansangan at ngayo'y naibalik na sa mga komunidad, ang nabibigyan ng pamaskong handog ng Pangulo.
Nakatanggap ang bawat isang bata ng food pack at gift pack na naglalaman ng mga laruan at libro. Habang ang mga matatanda naman ay nakatanggap ng tig-anim (6) na kilo ng bigas, iba pang grocery items, hygiene kits at cash assistance na nagkakahalaga ng PhP10,000.00 mula sa Department’s Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Sa naging talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinuri at pinasalamatan nito ang DSWD sa pangunguna ni Undersecretary Anton Lagdameo, dahil sa pagtatrabaho ng 24/7 matugunan lamang ang pangangailangan ng mga mahihirap o vulnerable sector.
Umaasa naman ang Pangulo na sa pamamagitan ng pamaskong handog na ito ay lahat ng Pilipino ay makaramdam ng presensya ng kapaskuhan.
“Itong aming kaunting tulong sa inyo, hindi lang po ngayong Pasko. Asahan po ninyo kayo ay laging nasa isip namin. Itong mga DSWD dito, araw-araw ‘yan, 24/7 iniisip nila kung papaano namin kayo tutulungan, kung papaano pa ang aming pwedeng gawin para kahit papaano, kahit nakalampas na ‘yung Pasko, ‘yung New Year, patuloy pa rin ang aming tulong sa inyo.” Dagdag pa nito.