MMCHD NEWS RELEASE NO. 153
December 19, 2022
Nagbigay ng paalala si Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa publiko hinggil sa papalapit na kapaskuhan at bagong taon.
Ayon kay Dir. Balboa, hindi masamang magkaroon ng salu-salo sa darating na holiday season pero mas mainam aniya na iwasan kumain o di kaya’y kumain lamang ng katamtaman na mga mamantikang pagkain, ma-cholesterol, gayundin ang mga mataamis na pagkain.
Ito aniya ay para maiwasan ang pagkakaroon ng sakit dulot ng mga pagkaing ito. Paliwanag pa ni Dir. Balboa na ang lahat ng sobra ay nakakasama sa ating katawan.
Sa kabilang banda, bagaman nagluwag na ang bansa sa pagpapatupad ng restrictions ay hinihikayat Dir. Balboa ang publiko na huwag nang gumamit ng mga paputok. Isa rin aniya sa programa ng DOH ang Iwas Paputok, kung saan nakapaloob dito ang pagkakaroon ng designated community fireworks display sa bawat lungsod, upang magkaroon ng opsyon ang mga Pilipino na manuod na lamang o di kaya’y gumamit ng pampa-ingay gaya ng tambol o pagpapatugtog ng malakas.
Lumalabas aniya sa datos ng DOH na karamihan sa mga pinsalang may kaugnayan sa paputok ay nangyayari sa bahay, mga kalye at mga lugar ng trabaho. Kaya naman mas hinihikayat ni Dir. Balboa ang pagtungo sa designated community fireworks display sa mga lungsod kung saan mas ligtas ang bawat Pilipino dahil ito ay pinamamahalaan ng mga eksperto sa paggamit ng mga paputok. Sa ganitong paraan umano ay maiiwasan ang pagtala ng fireworks related injuries lalo sa sa rehiyon.
Gayunpaman, saka-sakali namang magkaroon ng aksidente sa pagpapaputok ay pinaalalahanan rin ni Dir. Balboa ang mga paunang lunas gaya ng paglinis ng sugat gamit ang tubig para maiwasan ang impeksyon at paghinto ng pagdurugo tapos dalhin sa pinaka malapit na health center o ospital para mabigyan ng karampatang paggamot lalo na ng Anti-tetanus injection. Dagdag pa ni Dir. Balboa, hindi dapat maging kampante ang publiko kung ang sugat ay maliit lamang dahil posibleng magkaroon ito ng impeksyon o tetanus bunsod ng mga kemikal at dumi na nagmula sa mga paputok. Mas mainam aniya na magpaturok ng anti-tetanus at maiwasan ang posibleng paglala, pagkakaroon ng komplikasyon at posibleng pagputol ng bahagi ng katawan kung saan ito tinamaan ng paputok.
Ang mga paalalang ito ni Dir. Balboa ay inilahad sa kanyang naging panayam sa programang Radyo Pilipinas Live ng RP1 kasama si Mr. Alan Allanigue ngayong araw ng lunes, ika-19 ng Disyembre 2022.