MMCHD NEWS RELEASE NO. 149
December 9, 2022
Matagumpay na inilunsad ng Department of Health (DOH) ang Bakunahang Bayan sa Almanza Uno Health Center sa Las Piñas City noong Miyerkules, ika-7 ng Disyembre, 2022.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge, Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire, simula nitong ika-5 ng Disyembre, 2022 tinatayang nasa 131.1% o higit sa 605,000 ng target na populasyon sa lungsod ng Las Piñas ang fully vaccinated na. Gayunpaman, umaabot pa lamang sa 58.92% o higit sa 272,000 ng kanilang total eligible population ang nabakunahan na para sa first booster.
Binati at pinasalamatan rin ni Usec. Vergeire ang lungsod sa pakikiisa nito sa DOH sa pagbibigay ng proteksyon sa mga residente laban sa COVID-19.
Naging sentro naman ng paglulunsad ang isinagawang Ceremonial Vaccination kung saan binakunahan ang ilang kabataang nasa edad 5-11 taong gulang na wala pang primary series at mga edad 12-17 taong gulang na wala pang booster shots.
Ito ay kung saan nagbigay ng suporta sa bakunahang ito ang Mcdonald's Philippines at lungsod ng Las Piñas na namigay ng mga incentives at gift packs para sa mga kabataang lumahok.
Samantala, kasama rin sa paglulunsad na ito sina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Usec. Frisco San Juan Jr. at COVID-19 Committee Chairperson Dr. Annabelle Ombina, DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa, Department of Interior and Local Government (DILG) City Director Mary Anne B. Planas, Las Piñas Councilor Filemon "Peewee" Aguilar III, City Health Office Officer-in-Charge Dr. Juliana Gonzales, at Almanza Uno Barangay Captain Bonifacio Ramos.
Bukod sa Las Piñas City, sunod na nagtungo ang DOH sa Laguerta Health Center sa Muntinlupa City upang pangunahan ang paglulunsad ng Bakunahang Bayan sa pangunguna ni Dir. Balboa kasama din ang punong lungsod na si Mayor Rufino Biazon.
Nagpasalamat naman si Mayor Biazon sa DOH sa pagbisita nito at nangako na kaisa rin ang Muntinlupa sa adhikain ng DOH na mabakunahan at mabigyan ng proteksyon ang bawat isang mamamayang Pilipino. Hinikayat rin nito ang mga residente na magtungo lamang sa mga Health Centers sa lungsod upang makakuha ng ligtas, epektibo at libreng bakuna laban sa COVID-19.