LATEST NEWS

WORLD AIDS DAY COMMEMORATION AT PAGLULUNSAD NG ISANG COMMUNITY-LED MONITORING PLATFORM, IDINAOS SA ISANG PROGRAMA SA QUEZON CITY HALL

MMCHD News Release No. 149
December 9, 2022

Pinamagatang “Com.musta?: HIV Community Kumustahan” ang programa na nagdaos sa World AIDS Day, kasabay ang paglulunsad ng isang community-led monitoring (CLM) system platform na ginanap sa Quezon City Hall at dinaluhan ng Department of Health (DOH) ngayong araw ng Miyerkules, ika-7 ng Disyembre, 2022.

Layunin ng programa at ng bagong online monitoring platform ang mapag-aralan at matugunan ang mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) sa bansa, gamit ang mga datos at impormasyon mula mismo sa mga tao sa komunidad.

Pinagmalaki ni Quezon City Mayor Ma. Josefina “Joy” G. Belmonte na ang kanilang lungsod ang napiling pilot area para sa nasabing kampanya at CLM system. Bukod dito, aniya’y maglulunsad sa darating na Biyernes, ika-9 ng Disyembre, 2022 ang kanilang lungsod ng kampanyang, “Bahagi Ka ng Solusyon: Prevent, Detect and Treat HIV.”

Iniulat din ni Mayor Belmonte ang bumabang bilang ng bagong kaso ng mga nagpositibo sa HIV sa lungsod na nasa 688 mula Enero hanggang Setyembre ng taong 2022. Ito ay kumpara sa 748 na tala sa parehong panahon noong nakaraang taon. Bagkus ang bilang ay bumaba, ito raw ay maaaring may kakulangan din sa pagtala, isang nais masolusyonan ng CLM. Dagdag pa nito na 78% o 544 na kaso ay nasa edad 15-34 taong gulang.

Ayon naman kay DOH Undersecretary for Special Concerns, Dr. Maria Francia Miciano-Laxamana na siya ring Alternate Chair ng Philippine National AIDS Council (PNAC), kamakailan lamang ay nilunsad ng ahensya ang 7th AIDS Medium Term Plan (AMTP) upang maabot ng mga People Living with HIV (PLHIV) ang mga karampatang serbisyo. Dagdag pa ni Usec. Lacsamana, ang implementasyon nito ay magiging posible lamang kung magtutulungan, “the DOH cannot do it alone–we need our development partners, local chief executives, and strong advocates in ending HIV,” pahayag nito.

Samantala, nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang dumalong kinatawan ng mga organisasyon at katuwang sa kampanya tulad ng DANGAL Pilipinas, HIV and Young People Advocate, Member, Network Plus, TLF-SHARE Collective Inc., UNAIDS, Network Plus Philippines, LakanBini Advocates Pilipinas, Inc., Network to Stop AIDS Philippines, Youth Peer Education Network Pilipinas, Inc., USAID Philippines, at maging ang Australian Embassy.

Sa huli, babala ni United Nations Resident and Humanitarian Coordinator Mr. Gustavo Gonzalez ang kabataan ay nasa panganib ng HIV/AIDS at hamon nito, “we need to walk the talk, not just combining policy and money that will resolve [HIV/AIDS issue], but it is more than that. This is why every World AIDS Day we bring all sectors [together] to build alliances.”

Dumalo rin sa programa upang magpakita ng suporta si DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa.

Ang CLM system platform ay maaaring ma-access sa website na commusta.ph.