LATEST NEWS

TATLONG ARAW NA BAKUNAHANG BAYAN NG DOH, UMARANGKADA NA

MMCHD NEWS RELEASE NO. 148

December 5, 2022

Pinangunahan nina Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa at Manila City Health Department Chief Dr. Arnold Pangan ang Bakunahang Bayan sa National Capital Region (NCR).

Ito ay matapos na magkaroon ng ceremonial vaccination sa Tondo Foreshore Health Center ngayong araw ng lunes, ika-5 ng Disyembre, 2022. Ang pagbabakuna nina Dir. Balboa at Dr. Pangan ang nagsilbing kumpas ng pagsisimula ng tatlong araw na Bakunahang Bayan sa rehiyon na tatagal hanggang sa ika-7 ng Disyembre, 2022.

Ayon kay Dir. Balboa, target sa Bakunahang Bayan na mabakunahan ang mga eligible population na kulang pa ang kanilang primary series at booster doses. Gayunman, mas tinututukan aniya ngayon ng ahensya ang pagbabakuna sa 5-11 at 12-17 taong gulang na mga bata.

Aniya, sa rehiyon ay tinatayang nasa 529,561 ang bilang ng 5-11 taong gulang na kabataan ang hindi pa nakakumpleto ng kanilang primary series habang nasa 158,519 naman ang bilang ng mga 12-17 taong gulang na mga kabataan ang wala pang paunang booster doses.

Nagpasalamat din si Dir. Balboa sa lahat ng mga nakiisa, nakibahagi at mga nasa likod ng pagpapatupad ng bakunahang ito ng DOH, gayundin sa mga magulang na patuloy na nagtitiwala na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra COVID-19. Malaking bagay aniya na magkaroon ng proteksyon ang mga Pilipino lalo na ngayong papalapit na ang kapaskuhan kung saan tradisyon na sa bansa ang pagkakaroon ng salu-salo at pagsasama-sama.

Samantala, sa naging panayam naman ni Dir. Balboa sa programang Dos por Dos ng DZRH kasama sina Mr. Gerry Baja at Mr. Anthony Taberna, ay nilinaw nito na mayroong kautusan ang Department of Education (DepEd) na maaaring magpabakuna at ma-excuse sa kanilang klase sa araw ng kanilang pagbabakuna. Kaya naman ipinabatid nito sa mga magulang na walang dapat ikabahala at hinimok na pabakunahan na ang kanilang mga anak.

Bukod sa pagbibigay ng epektibo, ligtas at libreng COVID-19 vaccines, ay nakatanggap rin ang mga batang nagpabakuna ng Jollibee gift cheque, laruan mula sa McDonald’s at vitamins mula naman sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila.