MMCHD NEWS RELEASE NO. 147
Tumanggap ang Department of Health (DOH) ng 86,000 viral load test kits mula sa USAID sa pamamagitan ng American Rescue Plan Act-Emergency Commodity Fund (ARPA-ECF) noong araw ng World AIDS Day, ika-1 ng Disyembre, 2022, sa Gymnasium, Barangay 435, Sampaloc Manila.
Ang bilang ng donasyong nabanggit ay kinakitaan ng kasapatan para sa isang taong pangangailangan ng bansa. Ito ang unang beses na nakatanggap ang DOH ng sapat na donasyon para masuri ang mga Pilipinong may kritikal na viral load test result. Hudyat rin ito ng pagsuporta ng U.S. Government sa Pilipinas ‘pag dating sa HIV services and treatments.
Samantala, ang World AIDS Day ay mayroong temang “Putting Ourselves to the Test: Achieving Equity to End HIV,” kung saan layunin nitong pataasin ang antas ng kamalayan ng mga mamayan patungkol sa kampanyang “U=U” o nangangahulugang “undetectable is untransmittable” – ibig sabihin, ang taong ‘virally suppressed’ ay hindi na makakapagpasa ng virus sa kanilang karelasyon.
Ayon kay USAID Office of Health Director Michelle Lang-Alli, sa World AIDS Day inaalala ang mga yumao dahil sa sakit na HIV at ipinapakita naman ang suporta sa mga taong mayroon nito. Aniya, ang pagbibigay ng mga test kits na ito ay simbolo ng mas malalim at pinaigting na suporta ng U.S. Government sa DOH at sa Pilipinas laban sa nasabing sakit.
Sa mensahe ni DOH Undersecretary Ma. Carolina Vidal-Taiño, nagpasalamat siya sa matibay na samahan sa pagbibigay serbisyo sa mamayang Pilipino. Aniya, patuloy na susuporta ang DOH upang makamit ang 95 95 95 – dito inaasahang masuri ang 95% ng HIV positive na indibidwal, makapagbigay ng antiretroviral therapy (ART) sa 95% na mga nasuring indibidwal, at maabot ang 95% viral suppression.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si Elena Feliz na namumuhay nang may HIV sa loob ng 28 taon. Aniya, sa tamang gamutan makakayang mamuhay nang produktibo ang mga taong may nasabing karamdaman. Nagpapasalamat din siya na kabilang siya sa mga unang tumanggap ng libreng serbisyo at gamot ng pamahalaan. Inaasahang patuloy na kakalap ang DOH ng mga kaalaman upang mapabilis ang pagsuri ng sakit.