MMCHD News Release No. 146
December 3, 2022
Sinamantala ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. o FFCCCII ang pagkakataon ngayong araw ng Sabado, ika-3 ng Disyembre, 2022 upang magbakuna sa kabataan kontra COVID-19.
Ito ay kung saan nagpakita ng suporta ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) nang bumisita si Regional Director Gloria J. Balboa sa nasabing bakunahan. Aniya, “the number of cases is low, but there is always a risk that it will increase because of limited [health] restrictions [nowadays].” Kung kaya’t lubos na nasiyahan ito na kahit Sabado ay maganda ang bilang ng mga nagpapabakuna.
Pinuri din ni Dir. Balboa ang lungsod ng Maynila sa kanilang masugid na pagpapatatag ng proteksiyon ng kabataan, parehong laban sa COVID-19 at maging sa ibang Vaccine-Preventable Diseases (VPD) nitong nahuling immunization campaign na “Vax-Baby-Vax”.
Nagpahayag naman ng kagalakan sina FFCCCII Secretary General Dr. Fernando Gan, External Affairs Committee Chairman Nelson Guevarra at Manila Chairman Jefferson Lau sa kolaborasyon ng kanilang organisasyon sa DOH, Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) at Manila Health Department (MHD) sa tagumpay ng bakunahan. Nasa 362 kabataan ang nabigyan ng Sinovac doses sa buong araw na bakunahan sa FFCCCII.
Ulat pa ni Secretary General Dr. Gan, sa suporta ng Chinese Embassy ay nakakuha ang kanilang organisasyon ng 500,000 Sinovac doses na kinalat naman sa iba’t ibang FFCCCII chapters sa bansa.
Sumusuporta si Dr. Gan at ang FFCCCII sa programang bakunahan ng DOH kabilang na ang gaganaping Bakunahang Bayan sa darating na ika-5-7 ng Disyembre, 2022.
Para sa Bakunahang Bayan na tatakbo mula sa darating na Lunes hanggang Miyerkules, inaasahang iikot ang DOH-MMCHD sa ilang piling mga lungsod at health centers bilang bahagi ng pagpapatuloy at pagpapaigting ng bakunahan, lalo na sa 5-11 taong gulang na kabataan.