LATEST NEWS

DOH-MMCHD NAKIISA SA PAGDIRIWANG NG WORLD TOILET DAY

MMCHD News Release No. 140
November 23, 2022

Ipinagdiriwang tuwing ika-19 ng Nobyembre ang World Toilet Day upang itaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis at maayos na palikuran.

Ngayong taon, nakiisa ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa pagdiriwang ng World Toilet Day na may temang “Pangalagaan ang Kalusugan, Sanitasyon ay Pahalagahan” sa pamamagitan ng pagsagawa ng maiksing programa sa Barangay Addition Hills covered court, Mandaluyong City noong ika-18 ng Nobyembre, 2022.

Ito ay kung saan itinuro ni Dr. Jonathan Dancel, Medical Officer III ng Environmental and Occupational Health Cluster ng DOH-MMCHD ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis na palikuran, kapaligiran at tubig. Gayundin ang iba't ibang uri ng kubeta.

Ipinabatid naman ni Mr. Abraham B. Calamba, Kagawad for Health ng Barangay Addition Hills ang pasasalamat ng lokal na pamahalaang lungsod sa pagpili ng DOH-MMCHD na dito ganapin ang naturang aktibidad.

Aniya, isa itong malaking bagay upang mapakinggan rin ang mga suhestiyon ng mga residente kung papaano pa mapapaganda at mapapanatili ng lungsod ang pagkakaroon ng malinis na palikuran.
Ayon kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, ang ahensya ay nakikipagtulungan sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon, iba't ibang ahensya ng gobyerno, pampubliko at pribadong sektor upang isulong ang Zero Open Defacation (ZOD) program o hindi pagdumi sa mga bukas at pampublikong mga lugar.

Umaasa naman si Dir. Balboa na sa pamamagitan ng programang ito ay matututuhan ng mga residente ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis na palikuran, gayundin ang mga daanan o kalsada mula sa mga dumi ng mga hayop.

Sa isinagawa namang dialogue, nangako naman si Mr. Renato Abapo, Sanitary Inspector ng Barangay Addition Hills na patuloy nilang iinspeksyunin ang mga kabahayan para tiyaking napapanatili ang malinis na palikuran.

Ipinabatid rin ni Mr. Abapo ang plano ng barangay na maglagay ng mga kubeta sa mga lugar ng pagtitipon.

Samantala, nagkaroon rin ng patimpalak ang DOH-MMCHD na tinawag na “Best Bathroom Selfie Contest” na pinanalunan ni Ginang Ana Liza Cruz Pobre dahilan para makatanggap ito ng sertipiko at tokens mula sa ahensya.

Bago magtapos ang programa, nagkaroon rin ng Pledge of Commitment ang lahat ng dumalo bilang simbolo ng kani-kanilang mga pangako na pag-obserba ng malinis na palikuran hindi lamang sa pag-gunita ng World Toilet Day kundi sa araw-araw na pamumuhay.

Kabilang rin sa dumalo sa nasabing programa ay ang Head ng Environmental and Occupational Health Cluster ng DOH-MMCHD na si Dr. Wenceslao Blas.