LATEST NEWS

NAGING MATAGUMPAY ANG DINALUHAN NG DOH-MMCHD NA CEREMONIAL MOA SIGNING PARA SA PAGPAPATAYO NG MGA LIBRENG DIALYSIS CENTERS PARA SA MAKABAGONG DISTRITO 4 NG QUEZON CITY

DOH-MMCHD NEWS RELEASE NO. 138

November 21, 2022

Bilang suporta sa pagpapatayo ng libreng Dialysis Centers para sa Makabagong Distrito 4 ng Quezon City, nakiisa si Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa isinagawang Ceremonial Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa Privilegio Gastrobar, Scout Tobias St., Quezon City noong ika-12 ng Nobyembre, 2022.

Ang pagpapatayo ng libreng Dialysis Centers sa nasabing distrito ay inisyatibo nina Quezon City 4th District Representative Marvin Rillo at Councilor Imelda Rillo.

Kaya naman pinasalamatan ni Dir. Balboa si Cong. Rillo sa pagiging kaagapay ng ahensya sa pagtiyak ng kalusugan ng mga Pilipino partikular na sa distrito nito.

Ayon pa kay Dir. Balboa, napaka-ganda ng proyektong ito na naglalayong magkaroon ng libreng Dialysis Centers upang matugunan ang mga pasyente sa Quezon City na lubos na nangangailangan ng libreng dialysis lalo na sa kabila ng hamon ng pandemya bunsod ng COVID-19.

Kinikilala rin ni Dir. Balboa ang ginawang public-private partnership sa nasabing distrito, gayunman umaasa ito na ito’y maisasagawa rin sa ibang bahagi ng lungsod.

Pinasalamatan rin ni Dir. Balboa ang mga pribadong kumpanya na dumalo at nagpakita ng suporta sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa lokal na pamahalaan at DOH-MMCHD dahil hindi kakayanin lahat ng gobyerno ang mga ganitong proyekto.

Iginiit naman ni Cong. Rillo “Kasi noong una, dapat yung patient magbabayad pa ng konting gastos. Sinabi ko no, dapat wala na as in total zero. So nagkasundo kami, ang kailangan lang na requirement ng patient ay dapat may PhilHealth sila. Ngayon sa mga walang PhilHealth, doon po sa dialysis center siniguro ko na may PhilHealth section doon na pwede silang mag-apply to avail this program”.

Dagdag pa nito, kung mayroon pang matitirang bayarin ay idadaan sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) program ng DOH.

Kaya naman naniniwala si Cong. Rillo na ang pagpapatayo ng libreng dialysis centers sa distrito ang siyang wawakas sa suliranin ng mga residenteng lubos na nangangailangan upang madugtungan pa ang kanilang mga buhay.

Kaya naman ipinabatid rin nito ang pasasalamat sa DOH-MMCHD at sa Passion Healthcare Philippines Incorporated dahil sa pagbibigay suporta na maisakatuparan ang kaniyang ipinangako noong siya’y nangangampanya pa.

Samantala, dumalo rin at lumagda para sa Ceremonial MOA Signing ng proyektong libreng dialysis centers sina Chairman Eric V. Olay ng Passion Healthcare Philippines Inc., Kapitan Zenaida Lectura ng Barangay UP Campus, Councilor Nanette Castelo Daza, Councilor Raquel Malangen, Kiko Del Mundo, at Councilor Imee Rillo.