MMCHD NEWS RELEASE NO. 135
November 14, 2022
Malugod na inanunsyo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Atty. Romando “Don” Artes na simula ika-9 ng Nobyembre 2022 ay tinatayang nasa 99% na umano ang bilang ng MMDA workforce ang naka-kumpleto na ng kanilang primary series vaccination habang mahigit 84% naman ang nakakuha na ng unang booster doses.
Ang pag-anunsyo ay isinagawa sa gitna ng paglulunsad ng PinasLakas COVID-19 vaccination campaign sa MMDA Headquarters nitong araw ng Biyernes, ika-11 ng Nobyembre, 2022.
Nangako rin si Chairman Artes na patuloy na susuportahan ng MMDA ang programa ng DOH sa pagbabakuna kontra COVID-19 upang matiyak ang kaligtasan sa parating na holidays.
Iginiit naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Elizabeth Lopez-De Leon na ang pagbabakuna at pagsunod sa minimum public health standards ang nananatiling epektibong paraan upang mawakasan ang COVID-19 pandemic.
Nag-iwan naman ng payo si Asec. De Leon sa mga kawani ng gobyerno na huwag lamang ituring ang pagbabakuna bilang civic duty o pagsunod sa batas kundi nararapat lang aniyang ituring ito bilang isang moral duty at maging responsible para sa kalusugan ng bawat mamamayang Pilipino.
Nagpasalamat naman si DOH Officer-in-Charge, Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire sa MMDA sa pagtiyak na protektado laban sa COVID-19 ang mga kawani nito.
“Bagaman optional na nga po ang pagsusuot ng masks, maliban sa mga ospital at pampublikong transportasyon, hindi pa rin masamang mag-ingat sa pamamagitan ng pagsusuot nito. Magiging masaya at ligtas ang pasko kung ang pamilya ay protektado laban sa COVID-19. Sama-sama tayong magpabooster tungo sa PinasLakas at Healthy Pilipinas!” dagdag pa ni Usec. Vergeire.
Para naman matiyak na mayroong access ang mga kawani ng MMDA na binakunahan sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan, gaya ng libreng konsultasyon, e-Reseta, e-Laboratory at pagkakaroon ng e-Medical Certificate ay namahagi ang DOH-MMCHD ng health plan voucher.
Samantala, kabilang din sa dumalo sa nasabing paglulunsad ng PinasLakas ay sina DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director, Dr. Gloria J. Balboa; MMDA COVID-19 Committee Chairperson, Dr. Annabelle Ombina; DILG Makati City Director Sudi Valencia; at Makati City Assistant City Health Officer, Dr. Roy Unson.