LATEST NEWS

DOH-MMCHD, HINIHIKAYAT ANG MGA MAGULANG, GUARDIANS AT CAREGIVERS NA PABAKUNAHAN ANG MGA 0-23 BUWANG GULANG NA SANGGOL PARA SA CATCH-UP ROUTINE IMMUNIZATION

MMCHD NEWS RELEASE NO. 134

November 8, 2022

Kasabay ng pag-arangkada ng kampanya ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ng sampung araw na pinaigting na Routine Catch-up Immunization o Vax-Baby-Vax ay hinihikayat rin ng ahensya ang mga magulang, guardians at caregivers ng mga 0-23 buwang gulang na sanggol na makilahok sa kampanyang ito.

Ang paghikayat ay isinagawa ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa sa naging panayam nito kay Mr. Alan Allanigue sa programang RP1 LIVE ng Radyo Pilipinas ngayong araw ng Martes, ika-8 ng Nobyembre, 2022.

Ayon kay Dir. Balboa, ang pagpapaigting ng Routine Catch-up Immunization sa National Capital Region (NCR) sa loob ng sampung araw, mula ika-7 hanggang ika-18 ng Nobyembre, 2022 ay naglalayong mabakunahan ang 137,048 na mga 0-23 buwang gulang na mga sanggol na hindi pa nakukumpleto ang kanilang nararapat na matanggap na bakuna laban sa measles, rubella, polio, beke, pulmonya at marami pang iba.

Ito aniya ay dahil sa pagbaba ng bilang ng mga sanggol na nababakunahan para sa nasabing kampanya dahil sa epekto ng pandemya bunsod ng COVID-19.

Dagdag pa ni Dir. Balboa na ang unti-unting pagbabalik ng normal na sitwasyon sa bansa ay tiyansa ng mga magulang para pabakunahan ang kanilang mga anak sa mga health centers sa rehiyon upang matiyak ang proteksyon laban sa mga iba’t ibang mga sakit na maaaring dumapo sa mga sanggol.

Sa huli, ay iginiit rin ni Dir. Balboa na walang dapat ika-takot ang mga magulang sa pagbabakuna ng mga sanggol gayung ilang dekada nang napatunayang ligtas, epektibo at libre ang mga bakunang ibinibigay para sa routine immunization sa lahat ng health centers.