MMCHD NEWS RELEASE NO. 132
NOVEMBER 8, 2022
Sa suporta ng lokal na pamahalaang lungsod ng Taguig, inilunsad kahapon, ika-7 ng Nobyembre ang 10-day “Vax-Baby-Vax” Catch-up Routine Immunization Campaign ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) na tatagal hanggang ika-18 ng Nobyembre, 2022, Lunes hanggang Biyernes.
Nais ng kampanyang ito na mabakunahan ang 137,048 sanggol na may 0-23 buwang gulang dahil sa bumabang bilang ng mga batang bakunado laban sa Vaccine-Preventable Diseases (VPDs) nang magsimula ang COVID-19 pandemic. Ang pagbabang ito ay may dalang banta ng outbreak na mapanganib para sa mga bata.
Hangad din ng kampanyang ito na maitaas ang antas ng kamalayan ng mga family decision makers at taga-pangalaga ng mga bata upang maging kaisa sa adbokasiyang ito ng DOH-MMCHD katuwang ang iba pang ahensya, organisasyon at pribadong sektor.
Nagbigay ng masama at mabuting balita si DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa patungkol sa pagbabakuna. Aniya, ang masamang balita ay maaring magkaroon ng malalang sakit ang mga bata gaya ng measles, mumps, rubella, polio, diphtheria, at hepatitis kung hindi nabakunahan. Ngunit, ang magandang balita naman ay mga bakunang napatunayang ligtas at epektibo sa paglaban dito.
Dagdag pa niya ang kahalagahan ng “prevention” na maaring magsalba sa mga bata mula sa sakit at sa magulang mula sa pasanin sa pananlapi sakaling dapuan ang kanilang anak ng sakit.
Ginawa namang halimbawa ni Dr. Fatima I. Jimenez ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines ang sakit na measles upang bigyang diin ang kahalagaan ng bakuna. Aniya ang measles ay nakamamatay at kung sakaling gumaling at makaligtas dito ay maari pa ring magdulot ng pamamaga ng utak at iba pang kompliskasyon sa paglaki ng bata na kayang maiwasan kung nabakunahan.
Sinundan ito ng mensahe mula kay World Health Organization Vaccine-Preventable Diseases and Immunization Medical Officer Dr. Robert Kezaala. Kaniyang inihayag na isa sa pinakamagandang ipamana sa ating mga anak ang pagkakaroon ng magandang kalusugan kung saan malaking bahagi nito ay ang pagbabakuna. Pagnanais din niya na magkaroon ng "kultura ng pagbabakuna" kung saan hindi na kinakailangang sabihan ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, kundi, sa kanila na mismo manggaling ang kanilang pagnanais na mabakunahan ang mga ito.
Nagbahagi naman ng malalim na pagsuporta si Taguig City Mayor Maria Laarni "Lani" L. Cayetano sa kampanyang pagbabakuna sa mga bata. Kaniyang ipinagmalaki na nangunguna ang lungsod ng Taguig sa pangangalaga sa mga sanggol sa pamamagitan ng breastfeeding na siyang unang pinagmumulan ng proteksyon at kalakasan ng mga bata na susundan ng pagbabakuna. Kaya naman, kompyansang kumasa ang punong lungsod sa hamon ng DOH na maabot ang kanilang target.
Ayon naman kay Department of Interior and Local Government-NCR Assistant Regional Director Ana Lyn R. Baltazar-Cortez, ngayon na ang tamang oras na pabakunahan ang mga bata. Dahil sa hindi inaasahang pagdating ng COVID-19 pandemic, sinubok ang kakayahan ng pamahalaan sa pamamahalang pangkalusugan. At ngayon, marapat lang na bantayan ang unang hanay ng proteksyong pangkalusugan ng isang tao sa pamamagitan ng pagtanggap ng bakunang kanilang kinakailangan habang sila ay bata pa.