LATEST NEWS

DOH, NAGKALOOB NG TYPE 1 AMBULANCE SA PATEROS

MMCHD NEWS RELEASE NO. 133

NOVEMBER 4, 2022

Isang Type 1 na ambulansya, malugod na tinanggap ng Munisipalidad ng Pateros mula sa Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) at inisyatibo ni Senator Pia Cayetano, ngayong araw, ika-4 ng Nobyembre, 2022 sa tanggapan ng Bayan ng Pateros.

Sa mensaheng ipinabatid ni Pateros Health Officer Dr. Carmelita P. Ison, kaniyang inilahad ang pasasalamat sa ambulansyang ibinigay ng ahensya at humiling ito ng patuloy na suporta para sa ikauunlad ng serbisyong pangkalusugan ng mga mamamayan ng Pateros.

Binigyang-diin naman ni Pateros Mayor Miguel “Ike” Ponce ang benepisyo ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor at ahensya upang makapagbigay ang kanilang lokal na pamahalaan ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan gayong limitado at kapos ang pondo ng kanilang bayan. Ipinaabot din ng punong bayan ang lubos nitong pasasalamat sa inisyatibo ni Sentor Pia Cayetano sa pagbibigay ng ambulansya, kasama si Senator Allan Peter Cayetano at maybahay nitong si Taguig City Mayor Lani Cayetano na kaniyang karatig na lungsod.

Sa pamamagitan ni Mayor Cayetano ay nagpaabot ang senadora ng kaniyang suporta at pangako sa Bayan ng Pateros na magbibigay ito ng dagdag pang suporta lalo’t isa ang nasabing senadora sa naatasang tumalakay ng national budget for health sa senado.

Dagdag pa niya ang ipinangako ng kaniyang kabiyak na senador sa pagsasakatuparan ng pagtatayo ng sariling Super Health Center (SHC) ng Pateros na magbibigay serbisyo 24 oras. Ang SHC na ito ay mayroong sariling laboratory at kayang magsagawa ng basic surgical procedures sa mga pasyente kung saang malaki ang tulong upang hindi mapuno ang mga ospital.

Sinundan naman ni Taguig-Pateros 1st District Representative Congressman Ading Cruz ang magandang balita at sinabing target na tapusin ang pagpapatayo ng nasabing pasilidad sa lalong madaling panahon.

Bilang pagtatapos, ipinangako ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa ang patuloy na pagsuporta sa Bayan ng Pateros. Kaniya ring ipinaalala ang kahalagahan at tamang paggamit ng ambulansya.

Hindi na niya pinalagpas ang pag-aanunsyo ng “Vax-Baby-Vax Intensive Catch-up Routine Immunization Campaign” na target mabakunahan ang mga batang nasa 0-23 buwang gulang mula ika-7 hanggang 18 ng Nobyembre 2022.

Samantala, ang Type 1 ambulance ay binubuo ng ambulance stretcher, defibrillator, suction machine, resuscitators, immobilization devices, oxygen, at marami pang iba.