MMCHD NEWS RELEASE NO. 130
OCTOBER 24, 2022
Tinatayang nasa 106 ang bilang ng mga batang babae na nasa ika-apat na baitang at may edad na 9 hanggang 14 taong gulang ang nabakunahan ng Human Papillomavirus (HPV) vaccine sa Andres Bonifacio Elementary School (ABES) sa Caloocan City, noong ika-19 ng Oktubre 2022.
Ito ay matapos na ilunsad ang kauna-unahang pagbabakuna kontra HPV sa paaralan sa Metro Manila, isang estratehiyang tinatawag na school-based vaccination na naglalayong maiwasan ang pagkakaroon ng sakit dulot ng HPV at maitaas ang antas ng kaalaman ng mga estudyante at magulang patungkol sa sakit na ito na maaring humantong sa nakakamatay na cervical cancer.
Nagpaabot ng pasasalamat si Dr. Leonora Dalluay, Punong Guro ng ABES dahil dito inilunsad ang kauna-unahang pagbabakuna kontra HPV sa paaralan. Hinikiyat niya ang lahat na maging bahagi ng pagsugpo sa nasabing sakit sa pamamagitan ng pagiging aktibong advocate nang sa gayon sa paglaki ng mga bata, wala ng HPV.
Naging bahagi ng programa ang pagtalakay ni Dr. Edwin de Mesa ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society sa mga estudyante at panauhin patungkol sa HPV. Ayon sa kaniya, kung minsan, walang nararamdamang sintomas ang taong nagtataglay ng HPV. At kung hindi ito matukoy nang maaga, maaring magdulot uto ng iba't ibang uri ng cancers sa ari at ibang pang babang bahagi ng katawan. Nilinaw rin nito na hindi lamang babae ang nagkakaroon ng sakit galing sa HPV kundi maging ang mga lalaki. Kaniya namang hinikayat ang mga kababaihan na regular na magpakonsulta sa doktor upang matukoy agad kung positibo ito sa sakit at maagapan upang hindi na lumala.
Ipinabatid naman ni Caloocan City Vice Mayor Karina Teh, na malaki ang tungkulin ng lokal na pamahalan sa pagpapalawig at pagpapataas ng antas ng kaalaman ng publiko patungkol sa sakit dulot ng HPV. Hinikayat rin niya ang mga magulang na bigyang lalim ang pagpapaliwanag sa kanilang mga anak at hikayatin ang mga ito na magpabakuna.
Pinasalamatan naman ni DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa ang mga nakibahagi sa programa ng kagawaran at humiling sa patuloy na pagsuporta sa mga programang pangkalusugan para sa ikabubuti ng mamamayan.
Naging emosyonal naman ang lahat nang ibahagi ni Ms. Razel Anne Amarante, magulang ng isang grade 4 student na babae, kung paano niya natunghayan ang hirap ng mayroong mahal sa buhay na may cervical cancer dulot ng HPV. Ayon kay Ms. Amarante, lubos siyang nagpapasalamat na kabilang ang kaniyang anak sa mabibigyan ng bakunang kontra sa HPV at sa kaniyang pagkabit ng laso sa anak, sambit niya na ito ang kaniyang pamana para sa proteksyon at kinabukasan ng bata.
Samantala, nagkaroon din ng commitment exercise ang paaralan nang kanilang buuin ang kalasag ng kalusugan na sumisimbolo sa iba’t ibang ahensya at sektor na nagsama-sama upang labanan ang sakit na HPV at cervical cancer.
Dinaluhan rin ang pagtitipon ng mga kawani ng DepEd na sina Dr. Nerissa Losaria, Dr. Diosdado Medina at Dr. Ivee Perez, Dr. Connie Genapayao.
Gayundin ang iba pang kawani ng Caloocan City Health sa pangunguna ni Dr. Evelyn Cuevas, mga vaccinators at si Mr. Teodoro Padilla, Executive Director ng Pharmaceutical & Health Care Association of the Philippines.