MMCHD NEWS RELEASE NO. 128
OCTOBER 21, 2022
Ipinagdiwang ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development ang ika-35 Anibersaryo nito nakaraang Biyernes, ika-14 ng Oktubre, 2022 sa Manila Hotel, Ermita Manila.
Ang tema ng anibersaryo ng ahensya ay "A Salute to Champions for Health" na sumesentro sa pagbibigay parangal sa mga pampubliko at pribadong sektor, DOH-National Capital Region (NCR) hospitals at mga lokal na pamahalaang lungsod sa Metro Manila na nagbigay ng makabuluhang kontribusyon at naging kaagapay ng ahensya sa paglilingkod bayan, lalo na sa panahon ng pandemya bunsod ng COVID-19.
Ayon kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, ang pagdiriwang ng ika-35 anibersaryo ay isang pasasalamat para sa mga nakamit ng ahensya, nabuong pagkakaibigan at pagtutulungan hindi lamang ng mga kawani ng kagawaran kundi para bigyan rin ng pugay ang mga naging katuwang sa paghahatid ng serbisyo publiko sa bawat mamamayang Pilipino sa rehiyon.
Binati naman ni Health Undersecretary Nestor F. Santiago, Jr. ang DOH-MMCHD sa matagumpay na pangunguna sa malawakang pagtugon sa COVID-19 pandemic gaya ng COVID-19 prevention, testing, isolation, quarantine, reintegration, vaccination at iba pa na tiyak na naging inspirasyon ng ibang rehiyon. Ang pagtutulungan aniya ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, buong bansa at buong lipunan ay nagpatunay na kayang makamit ang mithiin sa pagbibigay serbisyo pangkalusugan kung ang lahat ay magkakaisa.
Samantala, nagbigay rin si Secretary Carlito Galvez Jr. mula sa Office of Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity ng maiksing mensahe, pagbati at pasasalamat sa ahensya gayundin sa mga naging kaagapay ng gobyerno sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Bilang kinatawan ng mga binigyan ng parangal, nagpasalamat si Pasig City Mayor Victor Ma. Regis “Vico” N. Sotto sa kanilang mga natanggap na parangal mula sa DOH-MMCHD at pagbibigay pagkilala sa kanilang mga makabuluhang kontribusyon sa pagbibigay ng nararapat na serbisyo pangkalusugan sa bawat mamamayang Pilipino.
Sa huli, kasabay ng pasasalamat sa pagdalo sa anibersaryo ay pinangunahan naman ni Dr. Amelia C. Medina, Chief ng Local Health Support Division ng DOH-MMCHD ang pagbibigay saludo sa mga empleyado ng ahensya at mga ka-partner nito mula sa pribado at pampublikong sektor.