MMCHD NEWS RELEASE NO. 129
OCTOBER 19, 2022
Sinubok ang pisikal na kakayahan at talas ng isip ng mga empleyado ng Department of Health - Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa mga Palarong Pinoy na inihanda para sa paggunita ng ika-35 na anibersaryo ng opisina, ika-17 ng Oktubre, 2022.
Naghandog ng sertipiko at tanda ng pagpapahalaga ang ahensya sa 55 nitong empleyado na nagsilbi sa gobyerno mula 15 taon pataas. Kinilala ang kawani ng ahensya na si Ginoong Edgar de Borja bilang natatanging empleyado na nanatiling bahagi ng DOH-MMCHD mula nang maitatag ito.
Samantala, ang mga palarong pinoy gaya ng pinoy henyo, basketball, volleyball, patintero, sack race, at tug of war ay isinagawa sa magkakaibang lugar sa opisina mula ika-10 ng umaga hanggang ika-tatlo ng hapon. Ang mga ito ay pinangunahan ng Human Resource Developement Unit (HRDU) katuwang ang Supply Section, Communications Management Unit (CMU) at ang MMCHD Employees Association na siyang nagbigay ng cash prizes sa mga nanalo sa palaro at pagkain sa mga empleyado sa araw na iyon.
Nagsama-sama ang mga empleyado ng iba't ibang opisina upang irepresenta ang kanilang dibisyon – ang Regulations, Licensing and Enforcement Division (RLED), Management Support Services Division (MSSD), Local Health Support Division (LHSD), at ang Regional Director/Assistant Regional Director Division (RD/ARD) – upang ipanalo ang mga larong may kaakibat na premyong dalawa hanggang tatlong libong piso.
Ang mga nanalo sa mga palaro ay ang mga sumusunod: Pinoy henyo: (1) RLED (2) MSSD; Tug of War: (1) RD/ARD (2) RLED; Sack Race: (1) MSSD (2) RD/ARD; Patintero: (1) LHSD (2) MSSD; Balloon Relay (1) LHSD (2) RD/ARD; Basketball: (1) RD/ARD (2) MSSD; Volleyball: (1) LHSD (2) RD/ARD.
Ayon kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, bahagi ang mga isinagawang aktibidad sa pagpapahalaga sa kalusugang pangkaisipan at pisikal ng mga empleyado. Dito, pinangunahan niya ang pagsisimula ng larong basketball at volleyball sa pamamagitan ng ceremonial toss at service. Hindi naman nalimutan ng mga manggagawa ng ahensya ang bilin ni Director Balboa na enjoy-in ang araw ng anibersaryo.