LATEST NEWS

DOH-MMCHD MAY PANAWAGAN SA PUBLIKO SA GITNA NG PAGTAAS NG KASO NG TIGDAS SA NCR

MMCHD NEWS RELEASE NO. 125

OCTOBER 7, 2022

Nananawagan sa publiko si Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa na pabakunahan ang kanilang mga anak na nasa edad 9 buwang at 12 buwang gulang laban sa tigdas upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na ito.

Ang panawagan ay isinagawa ni Dir. Balboa sa programang Dobol Weng sa Dobol B nina Ms. Weng Salvacion at Mr. Weng dela Pena, noong ika-5 ng Oktubre, 2022 matapos na kumpirmahin ang pagtaas ng kaso ng tigdas sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Dir. Balboa, mula Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon, ay nakapagtala na ang ahensya ng 191 na kaso ng tigdas. Ang nabanggit aniyang datos ay mas mataas ng 19% kung ikukumpara sa kaparehong panahon ng taong 2021.

Nakababahala aniya ito dahil kasabay ng pagtaas ng kaso ng tigdas ang pagtala ng mababang vaccination coverage ng DOH para sa sakit na ito.

Nakikitang dahilan ni Dir. Balboa sa mababang datos ng vaccination coverage para sa tigdas ang epekto ng pandemya bunsod ng COVID-19 kung saan nagkaroon ng lockdown at paghihigpit sa paglabas ng mga bata noon dahilan rin para hindi makapagbakuna laban sa tigdas at iba pang routine immunization vaccines.

Bagaman madalas aniyang nagkakaroon ng sakit na tigdas ay ang mga batang nasa edad 5 taong gulang pababa, ay hindi umano maiiwasang magkaroon ng tigdas ang matatanda lalo na’t walang bakunang natanggap laban sa sakit na ito noong sila ay bata pa.

Kaya naman, kasabay ng panawagang magpabakuna kontra tigdas, nilinaw rin ni Dir. Balboa na ang lahat ng mga bakuna na ibinibigay para sa routine immunization gaya ng Oral Polio Vaccines (OPV), Pentavalent Vaccines (Pentahib), Inactivated Polio Vaccines (IPV), Hepatitis Vaccines, at Measles Containing Vaccine (MCV) ay ligtas, epektibo at libre.

Para mahabol ang bilang ng mga batang hindi pa bakunado para sa routine immunization, inanunsyo ni Dir. Balboa na plano ng DOH-MMCHD na magkaroon muli ng Catch-up Immunization program sa rehiyon bago matapos ang taon upang mas marami ang mabigyan ng proteksyon laban sa iba’t ibang mga sakit at bumaba ang bilang ng kaso ng measles sa Metro Manila.