LATEST NEWS

CIVIL SERVICE COMMISSION, HINIMOK ANG MGA KAWANI NG GOBYERNO NA MAGPABAKUNA; PINASLAKAS COVID-19 VACCINATION CAMPAIGN INILUNSAD

MMCHD News Release No. 124

October 7, 2022

QUEZON CITY—Hinikayat ng Civil Service Commission (CSC) ang mga kawani ng gobyerno na magpabakuna laban sa COVID-19, sa isang programa sa kanilang tanggapan sa Batasan Pambansa Complex, Quezon City. Ito ay naganap noong araw ng Miyerkules, ika-5 ng Oktubre, 2022, kung saan nakiisa ang mga katuwang na ahensya sa kampanyang PinasLakas.

Binuksan ni CSC Commissioner Atty. Ryan Alvin Acosta ang programa sa pahayag na, “naniniwala po ako na ang ating mga kawani ang ating pangunahing yaman at dapat silang pahalagahan…tunay na mahirap sumabak sa laban kung may panganib sa kalusugan at hindi sapat ang proteksyon laban dito.” Binigyang diin nito na nakasalalay ang taumbayan sa mga kawani kaya’t mahalaga silang maging protektado.

Sa mensahe naman ni CSC Chairperson at Former Inter-Agency Task Force Against COVID-19 Co-Chair Atty. Karlo Alexei Nograles, inilahad nito na kagagaling lamang niya sa COVID-19 at dumalo sa pamamagitan ng online Zoom upang masiguro ang kaligtasan. Tinawag nito ang kaniyang sarili bilang “buhay na saksi” sa pagiging epektibo ng bakuna mula sa kaniyang karanasan.

Nagpahayag naman si Chair Nograles ng buong suporta sa bakunahan sa pagpapaalala ng ilan sa kanilang mga panuntunan tulad ng Memorandum Circular (MC) No. 01 series of 2020 o ang “Occupational Safety and Health Standards for the Public Sector”, at MC No. 07, series of 2022 o ang “COVID-19 Vaccination of Government Officials and Employees”. Pareho itong naglalayon sa pangkalusugang kaligtasan ng mga manggagawa sa pamahalaan.

Aniya, nakikita ng CSC ang kanilang kahalagahan sa pagsulong ng bakunahan sa higit kumulang 1.8 milyong kawani ng gobyerno sa bansa.

Ipinahiwatig naman ni Department of Health (DOH) Field Implementation and Coordination Team (FICT) National Capital Region (NCR) and Luzon Undersecretary Nestor F. Santiago, Jr. ang mensahe mula kay DOH Officer-in-Charge Undersecretary Ma. Rosario S. Vergeire. Kaniyang binati ang lungsod ng Quezon gayundin ang CSC sa pagkakaroon ng mataas na bilang ng fully vaccinated individuals.

Dagdag pa ni OIC Usec. Vergeire na kasabay ng pagbabakuna ay maiging ipagpatuloy ang nakagawiang health protocols, “it is worthy to note that adherence to our Minimum Public Health Standards (MPHS) provides you, our lingkod bayans in the CSC, maximum protection.”

Samantala sa press briefing, giniit ni Usec. Santiago na nananatiling susi sa pagpapataas ng bilang ng booster shots ang paglalapit ng bakunahan sa publiko at pagbibigay ng mga lokal na pamahalaan, mga ahensya at organisasyon ng mga insentibo para sa kanilang mga nasasakupan.

Nagpakita naman ng suporta sina Metro Manila Development Authority (MMDA) Vaccination Team Planning Chief Mr. Edward Gonzales at Quezon City Health Department Action Officer for Vaccination Dr. Malou Eleria, gayundin sina Department of Interior and Local Government (DILG) Community Participation Assistant Secretary Elizabeth N. Lopez De Leon at Department of Labor and Employment (DOLE) Quezon City Field Office Director Engr. Martin T. Jequinto, na parehong tumanggap ng booster shots sa nasabing programa.

Dumalo rin sa bakunahan sina DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa at CSC Acting Assistant Commissioner Karin Litz P. Zerna.