MMCHD News Release No. 123
October 4, 2022
Itinakda tuwing ika-1 hanggang ika-7 ng buwan ng Oktubre ang Elderly Filipino Week sa bansa alinsunod sa Proclamation No. 470, na inisyu ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong ika-26 ng Setyembre, 1994 upang bigyan diin ang kahalagahan ng sektor ng mga nakatatanda.
Sa pag-gunita ngayong taon na may temang "Katatagan ng Nakatatandang magtataguyod ng Kaunlaran", nagbigay ng iba't ibang libreng serbisyong pangkalusugan ang lokal na pamahalaang lungsod ng Mandaluyong sa Ayala Homes Covered Basketball Court, Barangka Drive ngayong araw ng Martes, ika-4 ng Oktubre 2022 katuwang ang Department of Health (DOH).
Kabilang sa mga serbisyong pangkalusugan na inaalok ay ang Blood Glucose Testing, Cholesterol Testing, Pneumococcal at Flu Vaccination, COVID-19 Vaccination, Audiometry, Visual Acuity Screening at Chest Imaging o X-ray.
Ayon kay Mr. Luisito E. Espinosa, Head ng Senior Citizen Affairs ng Mandaluyong City, kanilang ipinapabatid sa lokal na pamahalaang lungsod at sa DOH ang kanilang kagalakan sa inisyatibong ito na pagbibigay ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan para sa mga nakatatanda. Naniniwala kasi aniya si Mr. Espinosa na ang mga ganitong proyekto ng gobyerno ang siyang patunay na binibigyang pansin at kahalagahan ang mga nakatatanda sa lipunan.
Nagbahagi naman ng kwento si Mandaluyong City Representative, Hon. Neptali Medina Gonzales II, na nagsilbing aral sa mga senior citizens na dumalo ang kahalagahan ng buhay. Kaya naman hinihikayat nito ang mga kapwa nakatatanda na huwag palagpasin ang pagkakataong nagbibigay ng libreng serbisyo ang gobyerno upang mapabuti pa ang pangkalusugan ng bawat isa.
Sa maiksing talumpati ni Mandaluyong City Vice Mayor Carmelita “Menchie” Aguilar-Abalos, iginiit nito na ang proyektong ito ng lokal na pamahalaang lungsod ay kanilang pagbabalik ng utang na loob sa mga matatanda. “Kung wala kayo, ay wala rin kami dito” Ani pa nito.
Dagdag pa ni Vice Mayor Menchie Abalos, sila na ring nakiusap sa mga nakatuwang na doktor gaya ng sa audiometry na nagbibigay serbisyo na huwag tumigil sa pagbibigay lamang ng reseta kundi sana aniya’y magbigay rin ng diskwento o murang hearing aid sa mga matatandang mahina na ang pandinig.
Ibinahagi naman ni DOH Undersecretary Maria Francia M. Laxamana, na ang aktibidad na ito ay nasasakop sa programang womb to tomb project ng ahensya, kung saan nasa sinapupunan palamang ay layon na ng kagawaran na mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino hanggang sa huling sandal sa mundo.
Nagpapasalamat rin si Usec. Laxamana sa 323 na Senior Citizens na dumalo sa araw na ito at tumatangkilik sa mga serbisyong pangkalusugan. Gayundin sa lokal na pamahalaan at bawat doktor sa lungsod dahil sa pagiging aktibo ng mga ito sa pagtugon sa health concerns ng mga mamamayan.
Dahil sa pagtaas naman ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), hinihikayat ni DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria J. Balboa ang mga Senior Citizens na hindi pa nakakatanggap ng primary doses o 1st at 2nd booster na magpabakuna na upang maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19 o malalang sintomas nito.
Dagdag pa ni Dir. Balboa, na walang dapat ikabahala ang mga bedridden na nakatatanda na hindi makapunta sa mga vaccination sites dahil nagbabahay-bahay na rin sa pagbabakuna ang mga lungsod sa rehiyon upang ilapit ang serbisyo publiko.
Samantala, dumalo rin sa selebrasyon na ito sina Dr. Arnold De Castro Abalos, Mandaluyong City Health Officer, Dr. Roseny Mae Singson, Chairman ng Philippine Academy of Ophthalmology - Committee on Community Ophthalmology, Dr. Marinette Blue Dayag Pielago, Coordinator ng Health and productive ageing program at Dr. Griselda Ishiwata, Overall Non-Communicable Diseases Prevention and Control Program Medical Coordinator ng Mandaluyong City.