LATEST NEWS

BAKUNAHANG BAYAN, NAGTUNGO SA STARMALL EDSA-SHAW KATUWANG ANG MANDALUYONG CITY HEALTH OFFICE

MMCHD News Release No. 122

September 30, 2022

Matagumpay ang naging programa ng PinasLakas Special Vaccination Days o Bakunahang Bayan sa Starmall EDSA-Shaw, ngayong araw ng Biyernes, ika-30 ng Setyembre, 2022. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa Starmall EDSA-Shaw, Mandaluyong City Health Office at ilang partner agencies.

Naglayong mabakunahan nitong Biyernes ang mga drayber sa terminal, mga manggagawa at mga mall-goers kung kaya’t magandang lokasyon ang nasabing mall sa pagbabakuna.

Mainit ang naging pagtanggap ni Starmall EDSA-Shaw Head Ms. Nhet Tecson sa mga panauhin, at inilahad na ang pagbabakuna ay alinsunod sa misyon ng kanilang mall, maging ng Villar Group of Companies na maglapit ng ganitong uri ng serbisyo sa publiko.

Ganito rin ang pahayag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Director Ma. Loida Alzona, kung saan kaniyang ipinaliwanag na ang health at public safety ay kabilang sa mandato ng MMDA. Giit ni Dir. Alzona, unang nagboluntaryo ang kanilang ahensya nang mangailangan ang DOH ng karagdagang nurses. Ito aniya ay isa lamang sa maraming paraan na tumutulong ang MMDA.

Sa pagpapatuloy ng programa, hinikayat ni Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) Director Lilibeth Cagara ang publiko na samantalahin ng pagkakataon na magpabakuna para sa mas mabuting kalagayan ng lahat.

Sinegundahan ito ni DOH Financial and Management Services Director Rowena Lora kung saan kaniyang binigyang diin na ang sama-samang pagtanggap ng bakuna ay makakatulong sa pagkamit ng wall of immunity at ng buhay na malaya [sa sakit].

Nagpakita rin ng suporta ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa katauhan ni Undersecretary Alfredo Bayan, “matibay po ang aming paniniwala na malaki ang maiaambag ng malawakang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa pagpapababa ng kaso nito,” kaniyang pahayag. Dagdag nito, magandang inisyatibo ang Bakunahang Bayan sa gitna ng vaccine hesitancy sa mga Pilipino.

Huling nagpaabot ng mensahe si Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Sr. at sinabing kanilang sinusuyod ang lungsod, sa pakikipagtulungan sa mga Barangay Captain, upang maipaabot ang bakuna sa lahat, maging ang mga impormasyon tungkol dito. Nagbahagi rin si Mayor Abalos Sr. ng kaniyang sariling karanasan sa COVID-19, kung kaya’t siya ay nagpapatunay sa hirap na dala ng virus. Sa huli, nagpasalamat ito sa DOH sa patuloy na pagdinig sa mga pangkalusugang pangangailangan ng lungsod.

Samantala, naroon din sa programa sina Land Transportation Franchising and Regulatory Board-NCR (LTFRB-NCR) Atty. Marisse Albertine Angeles, Mandaluyong City COVID-19 Focal Point Person Dr. Daisy Costales at mga Presidente ng Transport Sector Groups.