LATEST NEWS

DOH AT DTI, NAGSANIB PWERSA PARA SA BAKUNAHANG BAYAN NITONG ARAW NG BIYERNES SA LUNGSOD NG MAKATI

MMCHD News Release No. 121

September 30, 2022

Nagkaroon ng bakunahan sa mga tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa kanilang mga tanggapan sa lungsod ng Makati, kasabay ng isang programa kasama ang Department of Health (DOH) at ilang pang mga ahensya, ngayong araw ng Biyernes, ika-30 ng Setyembre, 2022.

Naglunsad ng bakunahan ang DTI sa tatlong gusali nito sa lungsod ng Makati, kabilang na ang kanilang mga tanggapan sa DTI International Building, Metro House Building, at maging sa Trade and Industry Building kung saan ginanap din ang programa.

Sa pagbubukas ng programa, kinagalak ni DTI Management Services Group Undersecretary Ireneo Vizmonte ang pagdinig ng DOH sa kanilang kagustuhang magkaroon ng bakunahan para sa mga empleyado at mga kamag-anak nito, “it is timely that our request happened during the week-long Bakunahang Bayan.” Dagdag ni Usec. Vizmonte, nasa 63.36% empleyadao na ang may first booster dose sa kanilang ahensya.

Hinirang naman ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Engr. Carlo Dimayuga III ang mga healthcare workers at diniin nito na patuloy ang kanilang ahensya sa pagbibigay ng serbisyo para sa COVID-19-related response tulad ng transportasyon at deployment ng vaccination teams, maging sa labas ng Metro Manila.

Sa pagpapatuloy ng programa, ipinabatid ni DTI Consumer Protection Group Undersecretary Ruth Castelo nawa’y maniwala ang publiko na nananatili ang COVID-19, sapagkat siya mismo ay makailang beses nang nakaranas nito.

Sa kabilang banda, tinukoy ni DOH Officer-in-Charge (OIC) Ma. Rosario Vergeire na ang bakunahan sa DTI ay isang “healthy setting vaccination site” dahil sa pagdala ng bakuna sa iba’t ibang community setting, kung saan sa pagkakataong ito ay sa lugar ng trabaho. Giit din nito, “the government would always be one, in everything that we do and we are showing this to you. Lahat ng ahensya ng gobyerno ay magtutulong-tulong para atin pong mabakunahan ang lahat sa bansa.”

Samantala, sa ginanap na press briefing, sinabi ni Usec. Vergeire na marahil isa sa dahilan na mabagal na pagkakaroon ng booster shots sa kabila ng pinaigting na bakunahan ay ang kapaguran ng tao mula sa COVID-19 o “pandemic fatigue”, ngunit babala nito tumataas ang bilang ng kaso na naoospital kahit fully vaccinated na, kung kaya’t kailangan ng karagdagang proteksiyon.

Kabilang sa binakunahan ni Usec. Vergeire si DTI Usec. Ruth Castelo, maliban sa iba pang mga empleyado na nakatanggap din ng bakuna bilang bahagi ng programa.

Dumalo rin sa programa sina DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa, Department of the Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR) Assistant Regional Director Atty. Analyn R. Baltazar-Cortez, Department of Labor and Employment-NCR (DOLE-NCR) OIC-Director Atty. Olivia O. Obrero-Samson, Makati City Health Department Assistant City Health Officer Dr. Roland Unson, at DTI Physician Dr. Arlene Villamor.