LATEST NEWS

BAKUNAHAN SA LANSANGAN, UMARANGKADA NA

MMCHD News Release No. 120
September 29, 2022

Bumaba ang Department of Health (DOH) sa lungsod ng Quezon upang mabakunahan ang mga nasa lansangan, kasangga ang Non-Government Organization (NGO) na Martha’s Hot Kitchen, ngayong araw ng Huwebes, ika-29 ng Setyembre, 2022.

Bahagi ng PinasLakas Special Vaccination Days o Bakunahang Bayan ay ang pagbabakuna sa lahat ng antas ng komunidad, maging sa mga Pilipinong walang permanenteng tahanan. Nagkaisa ang DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD), Martha’s Hot Kitchen, at ang Quezon City Health Department upang ang bakunahan ay maisakatuparan.

Giit ni DOH Officer-in-Charge Ma. Rosario S. Vergeire, “kahit singkwenta katao lamang ‘yan, magbibigay tayo ng serbisyo. No one is left behind.” Nangako ito na higit pang tutukuyin ang medikal na pangangailangan ng marginalized population, at paiigtingin ang pakikiisa sa mga NGO tulad ng Martha’s Hot Kitchen, upang mabigyan ng service packages ang mga walang permanenteng tahanan.

Dagdag pa nito, na karaniwang nakikipag-usap ang ahensya sa UNICEF at World Bank upang madagdagan ang mga social mobilizers, o ang mga maaatasang bumaba sa lansangan at manghikayat o magdala ng bakuna kontra COVID-19, lalo na sa mga probinsya.

Sa huli, binigyang diin ni OIC Usec. Vergeire na ang stratehiya ng DOH-MMCHD tulad ng rolling caravan ay itutulad sa ibang rehiyon upang mabigyang proteksyon ang lahat ng populasyon.

Dumalo sa nasabing bakunahan sina DOH-MMCHD Assistant Regional Director Aleli Annie Grace Sudiacal, Local Health Support Division Chief Dr. Amelia Medina, Field Operation Cluster Head Dr. Froilainne Dela Cruz, maging ang mga opisyal ng barangay tulad nina Chairman Pedro Battung, Jr., Kagawad Leo Cassanova, Kgwd. Tomas Pagirigan, Kgwd. John Cancio, at Bgy. Secretary Lisa Del Rosario.

Tumulong sina Mr. Timothy Pasicolan at ang kanyang mga kasamahan mula sa Martha’s Hot Kitchen sa pamimigay ng tsinelas sa mga nakatanggap ng bakuna. Nanguna naman sina Dr. Gloria Pineda, Dr. Clai Astoria, Ms. Malou Raz, at Dr. Karen See ng Quezon City Health Department sa naging bakunahan.

Dala ng DOH-MMCHD sa bakunahan ang bago nitong caravan na handog naman ng Pilipinas Shell Foundation Incorporated. Nasa 88 na street dwellers ang nabakunahan ngayong araw.