MMCHD NEWS RELEASE NO. 119
SEPTEMBER 18, 2022
Nakiisa ang Department of Health (DOH) sa selebrasyon ng ika-19 Anibersayo ng Generika Drugstore. Ito ay kung saan nagkaroon ng maiksing programa sa isang branch nito sa Signal Village, Taguig City kahapon araw ng Sabado, ika-17 ng Setyembre, 2022.
Ayon kay Atty. Yet A. Abarca, President at CEO ng Generika Drugstore, bukod sa ika-19 anibersaryo ay ipinagdiriwang rin ngayong Setyembre ang Generic Awareness Month dahilan para sila’y magkaroon ng libreng konsulta sa lahat ng Generika Drugstore sa bansa ngayong araw. Aniya, layon nitong masuklian ang pagtangkilik at pagsuporta ng publiko sa Generika Drugstore sa loob ng 19 taon.
Ipinabatid naman ni Mr. Paolo F. Borromeo, President at CEO ng Ayala Healthcare Holdings, Inc. na sa loob ng ilang taon ay nagawa nilang mapalawak ang Generika Drugstore sa 700 branches sa bansa na naglalayon na mabigyan ang mas maraming Pilipino ng mura pero de-kalidad na mga gamot.
Dagdag pa ni Mr. Borromero, kaisa umano sa adbokasiya na ito ang DOH. Kung kaya’t ngayong ipinagdiriwang ang Generic Awareness Month ay mas naniniwala itong dapat magtulungan ang pribado at pampublikong sektor upang mapalawak ang kamalayan ng publiko hinggil sa generic medicines.
Ikinagalak naman ni Assistant Regional Director Dr. Aleli Annie Grace P. Sudiacal ng Metro Manila Center for Health Development na siyang kumatawan sa DOH ang naging pahayag ni Mr. Borromeo na umano’y pagkonsidera sa ahensya bilang kaagapay hindi lamang sa pagpuksa sa pandemya kundi maging sa pagbibigay ng de-kalidad at murang gamot sa publiko.
Sa huli ay nagpasalamat rin si Dir. Sudiacal sa Generika Drugstore at Ayala Healthcare Holdings, Inc. sa pag imbita sa mahalagang aktibidad na ito, gayundin sa walang sawang pagtulong sa gobyerno sa adhikain ito na bigyan ng karapatan ang lahat ng mamamayang Pilipino na magkaroon ng access sa mga serbisyong pangkalusugan na kinakailangan ng mga ito.