MMCHD NEWS RELEASE NO. 116
September 14, 2022
Pormal nang binuksan ang panibagong PinasLakas Vaccination Site sa Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) matapos na magkaroon ng ceremonial vaccination nitong Martes, ika-13 ng Setyembre, 2022.
Ayon kay Dir. Teresita L. Valentino, Assistant Regional Director ng DSWD-NCR, kanilang malugod na ikinagagalak ang pagpunta at pagsuporta ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Manila City Health Office, at Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) para sa paglulunsad ng kampanyang PinasLakas.
Aniya, tinatayang nasa 300 bilang ng empleyado ng DSWD-NCR gayundin ang mga pamilya nito ang target na mabakunahan ng booster shot sa araw na ito.
Nagpapasalamat rin si Dr. Kezia Loraine Rosario, Head ng Health Promotion Unit ng DOH-MMCHD dahil sa walang sawang pagsuporta na ibinibigay ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gayundin ang mga kaibigan sa media para sa kampanyang PinasLakas.
Ang paglabas umano ng Executive Order na nagpapahintulot sa bawat mamamayang Pilipino na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng facemasks sa mga bukas at hindi mataong lugar na may magandang bentilasyon. Hudyat aniya ito na malapit nang mawakasan ang pandemya. Gayunman, hinihikayat ni Dr. Rosario ang lahat na sama-samang sumuporta sa kampanyang PinasLakas at magpabakuna na ng booster shots upang tuluyan nang bumalik sa normal ang lahat.
Iginiit naman ni Dr. Maria Loida L. Alzona, Director IV ng MMDA na dapat maging responsable ang bawat Pilipino sa pagpapabakuna lalo na ng booster doses upang mabigyan ng proteksyon hindi lamang ang kani-kanilang mga sarili kundi maging ang mga nakakasalamuha sa labas lalo na’t nagkaroon ng pagluluwag sa pagsusuot ng facemask.
Sinangayunan naman ito ni Dr. Arnold M. Pangan, City Health Officer ng Manilla Health Department. Dagdag pa nito na bukod sa pagbabakuna ay nararapat rin na maging responsable ang mga Pilipino na kapag nakakaranas o nakakaramdam ng anomang sintomas ng COVID-19 ay huwag nang pumasok at mag isolate upang maproteksyunan rin ang mga kasamahan sa trabaho.