LATEST NEWS

KAMPANYANG PINASLAKAS NG DOH SA SEKTOR NG BUSINESS PROCESS OUTSOURCING (BPO), UMARANGKADA NA

MMCHD NEWS RELEASE NO.

SEPTEMBER 8, 2022

Umarangkada na rin ang pagbabakuna ng Department of Health (DOH) sa sektor ng Business Process Outsourcing (BPO) para sa kampanyang PinasLakas.

Ito ay matapos na magkaroon ng Ceremonial Vaccination sa Rockwell Business Center Sheridan sa Mandaluyong City kahapon, araw ng Miyerkules, ika-7 ng Setyembre, 2022 sa pakikipagtulungan sa Mandaluyong City Health Office at iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Interior and Local Government (DILG) and the Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay Mr. Miguel Ernesto Lopez, Senior Vice President ng Office Commercial Development ng Rockwell Business Center Sheridan, isang karangalan para sa kanila ang maging bahagi ng kampanyang PinasLakas habang sinisikap nila ang landas tungo sa new normal.

Naniniwala naman si DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Assistant Regional Director Aleli Annie Grace P. Sudiacal, na ang paglulunsad ng PinasLakas sa Rockwell Sheridan, ay nagpapatunay sa kanilang pangangalaga sa kanilang mga empleyado at pamilya ng empleyado, pati na rin ang kanilang pangako sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.

Ibinahagi naman ni Dr. Ma. Loida L. Alzona, Director IV ng MMDA na sila’y naniniwala rin sa proteksyon na ibinibigay ng mga bakuna kontra COVID-19. Nasawi kasi aniya ang labing isa (11) sa kanilang mga empleyado noong panahon nang kakausbong lang ng pandemya at wala pang mga bakuna. Gayunman, simula umano nang sila’y magpatupad ng pagbabakuna sa kanilang mga kawani ay wala na silang naiulat na pagkasawi sa kanilang mga empleyado. Naging inspirasyon umano ito sa MMDA upang tumulong sa kampanyang pagbabakuna kontra COVID-19.

Nagpapasalamat naman si DILG Undersecretary Margarita N. Gutierrez sa mga dumalo sa aktibidad at pagpapakita ng walang sawang pagsuporta sa programa ng pagbabakuna. Isa aniya itong dahilan kung bakit umabot sa 72 milyong indibidwal ang nabakunahang bilang ng mga Pilipino. Gayunman, sa bilang aniya na ito ay tinatayang nasa 18 milyon lamang ang nakatanggap ng booster doses. Kaya naman hinihikayat nito ang lahat na huwag hayaang bumaba ang immunity laban sa COVID-19 at magpabooster na upang tuluyan nang mawakasan ang giyera laban sa COVID-19.

Samantala, ibinahagi naman ni Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos, Sr. na simula nang umarangkada ang kampanyang PinasLakas ay kanila agad pinaigting ang information drive upang ipaalam sa mga residente at mga nagtatrabaho sa lungsod ang kahalagahan ng pagbabakuna.

Nagpatupad rin aniya ang lokal na pamahalaang lungsod ng iba’t ibang istratehiya upang mailapit sa publiko ang bakunahan at mas maraming mga Pilipino ang mabigyan ng proteksyon laban sa COVID-19.

Dumalo rin sa isinagawang paglulunsad ng PinasLakas sa Rockwell Business Center Sheridan sina Mr. Nestor J. Padilla, President ng Rockwell Land Corporation at Mandaluyong City Health Officer Dr. Arnold Abalos.