LATEST NEWS

TITLE: BAKUNAHAN SA MGA PUBLIC MARKET SA BUONG METRO MANILA, INILUNSAD

August 30, 2022
MMCHD News Release No. 113

Pormal nang sinimulan ang bakunahan sa mga public market, kahapon araw ng Martes, ika-30 ng Agosto, 2022 matapos na magkaroon ng isang programa ang Department of Health (DOH) ng PinasLakas sa Commonwealth Market, Quezon City.

Ito’y kung saan nagpakita ng mainit na pagtanggap si Mayor Josefina “Joy” Belmonte sa programang ito ng DOH, sa pamamagitan ng pamamahagi ng tig-limang kilo ng bigas sa mga magpapabakuna ng first booster doses ngayong unang araw ng bakunahan sa Commonwealth Market. Giit nito, kailangang madagdagan ang booster lalo na sa impormal na sektor para sa unang isang daang araw ng bagong administrasyon.

Sinang-ayunan naman ito ni DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa, na aniya’y mas nilalapit ng ahensya ang bakuna sa mga manggagawang araw-araw na kumakayod, naghahanap buhay at namimili sa mga palengke o public markets.

Binigyang diin rin ni Dir. Balboa na sabay-sabay na nagsimula ang bakunahan sa 24 na pampublikong pamilihan sa iba’t ibang lungsod sa National Capital Region (NCR).
Nanawagan naman si Department of the Interior and Local Government-NCR Quezon City Director Emmanuel Borromeo sa publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa health protocols kasabay ng pagpapabakuna. “Hindi pa po tapos ang pakikipaglaban natin sa pandemya ng COVID-19”, ani pa nito.

Paalala naman ni DOH, Health Policy Development and Planning Bureau, Dir. Frances Rose Mamaril na ang COVID-19 ay nagkakaron ng mutations kaya’t may gampanin ang bawat isang mga Pilipino sa pagpapalawig ng proteksyon sa komunidad.

Samantala, naging matagumpay naman ang programa na natapos sa pagbabakuna sa piling mga tindera at mamimili ng kanilang booster doses, kabilang na ang isang Person with Disability.

Bukod sa mga nabanggit na opisyal, dumalo rin sa programang ito ng DOH sina Barangay Commonwealth Chairman Manuel Co, Officer-in-Charge City Health Officer Dr. Esperanza Anita-Arias, Action Officer of Quezon City Vaccination, Dr. Malou Lourdes Eleria, Metro Manila Development Authority Nurse Lorelei Osurman, United Christian-Muslim Vendors Muhammed Elias, at iba pa mula sa Quezon City.