MMCHD NEWS RELEASE NO. 112
AUGUST 25, 2022
Nagtipon ang mga Public Information Officers at Health Education Officers ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila, mga kawani mula sa Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Health Promotion Unit (HPU) at Communications Management Unit (CMU) upang mas pagtibayin at palakasin ang ugnayan ng mga ito partikular na sa direktiba ng bagong administrasyon kaugnay sa COVID-19 vaccination campaign o ang PinasLakas Campaign.
Ginanap ang pagtitipon sa tanggapan ng DOH-MMCHD noong Biyernes, ika-19 ng Agosto 2022 na pinasinayaan ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa nang hikayatin ang mga PIOs at HEPOs na agad pabulaanan ang mga naiulat na maling impormasyon na maaring kumalat o magmula sa kanilang lokal.
Inilatag naman ni Dr. Kezia Lorraine Rosario ng HPU ang mga nakapaloob sa PinasLakas Campaign at mga maaring estratehiya upang mas paigtingin pa ang bakunahan kontra COVID-19 sa kani-kanilang lungsod.
Ibinahagi rin ng mga PIOs at HEPOs ang mga magagandang aksyon ng kanilang pamahalaan upang mahikayat ang kanilang mga nasasakupan na tangkilikin muli ang pagbabakuna at maging halimbawa para sa ibang lokal na pamahalaan.
Isang halimbawa nito ay ang pagbibigay ng mga insentibo sa mga nagpabakuna, pagkakaroon ng libreng transportasyon patungo sa vaccination sites, paglapit ng mga vaccination sites kung saan dagsa-dagsa ang mga tao tulad ng mga palengke, malls at marami pang iba.
Sa huli, nangako ang mga ito ng kanilang tulong at suporta sa kanilang karatig na lungsod lalo na sa gitna ng PinasLakas campaign sa NCR.