LATEST NEWS

NAGPABAKUNA PARA SA UNANG BOOSTER SHOT SINA PANGULONG FERDINAND MARCOS JR. AT ANAK NITONG SI ILOCOS NORTE REP. SANDRO MARCOS SA PINASLAKAS VACCINATION EVENT NG DOH SA SM MANILA

MMCHD NEWS RELEASE NO. 111
August 18, 2022

Nagpabakuna para sa unang booster shot sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at anak nitong si Ilocos Norte Representative Sandro Marcos sa PinasLakas Vaccination Event ng Department of Health (DOH) sa SM Manila, kahapon araw ng Miyerkules, Agosto 17, 2022.

Ito’y kung saan pinangasiwaan nina DOH Officer-in-Charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire at Manila Mayor Dra. Honey Lacuna ang pagbabakuna sa mga ito kontra COVID-19.

Ayon sa Pangulo, ang kanyang pagdalo sa PinasLakas Vaccination event ng DOH sa SM Manila ay upang ipakita ang importansya ng pagbabakuna ng booster shot at ipakita sa publiko na ito ay ligtas, epektibo at kinakailangan.

Nagpasalamat rin ito sa DOH sa pagtiyak na prayoridad ang kalusugan at proteksyon sa gitna ng kinakaharap na pandemya sa pamamagitan ng patuloy na pagsisikap sa pagbabakuna.
Hinikayat rin ng Pangulo ang bawat mamamayang Pilipino na magpabakuna upang maprotektahan hindi lamang ang kanilang sarili, kundi pati na rin ang kanilang mga pamilya at komunidad.

Ipinabatid rin ni Usec. Vergeire ang pasasalamat ng kagawaran kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa pagsuporta nito sa kampanyang PinasLakas.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin rin nito ang kahalagahan ng paglalapit ng mga bakuna sa publiko sa pamamagitan ng settings-based approach gaya ng pagkakaroon ng bakunahan sa mga opisina, paaralan, lugar ng pagsamba, palengke, pabrika, plaza, malls, terminal, at sa iba’t-iba pang lugar sa komunidad.

Samantala, dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., Presidential Management Staff (PMS) Secretary Maria Zenaida Angping, Manila City Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor John Marvin “Yul” Nieto, DOH O-I-C for Public Health Services Team Undersecretary Beverly Ho, DOH Assistant Secretary Nestor Santiago, Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria J. Balboa, SM Supermalls President Steven Tan, at iba pang senior national government, health, at city officials.