LATEST NEWS

DOH, PINANGUNAHAN ANG PAGLULUNSAD NG PINASLAKAS CAMPAIGN SA THE MEDICAL CITY, ORTIGAS SA LUNGSOD NG PASIG

MMCHD NEWS RELEASE NO. 110
AUGUST 17, 2022

Matagumpay na inilunsad ng Department of Health (DOH) ang PinasLakas Campaign sa The Medical City, Ortigas, sa lungsod ng Pasig kahapon, araw ng Martes, ika-16 ng Agosto, 2022.
Sa maiksing programa, pinasalamatan ni DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa ang The Medical City sa muling pagtanggap sa ahensya, sa panibagong yugto ng kampanya sa pagbabakuna sa ilalim ng PinasLakas, alinsunod sa direktiba ng administrasyon sa unang 100 araw nito na kumpletuhin ang primary second booster dose ng Senior Citizens at hikayatin ang mga Pilipino na magkaroon ng kanilang unang booster doses.

Nagpahayag rin ng pasasalamat sa DOH si Dr. Eugenio Jose Ramos, President at CEO ng The Medical City dahil sa sa walang humpay na pagsisikap ng ahensya na mailapit ang pagbabakuna sa publiko. Binigyang-diin rin niya na ang kanilang ospital ay kaisa ng kagawaran sa pagtiyak ng proteksyon ng bawat Pilipino.
Ikinatuwa naman ni DOH Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire, ang isinasagawang inisyatibo ng ospital na mabigyan ng proteksyon ang kanilang mga healthcare workers laban sa COVID-19. Lumalabas kasi aniya sa datos ng ahensya na 96% ng mga lingkod-kalusugan ang fully-vaccinated na habang 76% na ang nakatanggap ng kanilang booster shot.

Umaasa rin si Usec. Vergeire na sa pamamagitan ng kampanyang PinasLakas at sa tulong ng The Medical City at lokal na pamahalaang lungsod ng Pasig ay mapapataas pa ang 2nd booster shot coverage na kasalukuyang nasa 26% na.
“We thank The Medical City and the local government unit of Pasig City for joining the call to expand vaccination coverage. This kind of partnership between the public and private sector is a clear manifestation that we are mounting a holistic approach. Seeing our private hospitals support our interventions proves that our whole-of-society approach is working to impact the lives of the Filipino people." dagdag pa nito.

Samantala, kasama naman ni Usec. Vergeire na pangunahan ang symbolic vaccination ay sina Pasig City Vice Mayor Robert "Dodot" Jaworski, Jr., DOH Assistant Secretary Nestor Santiago, DOH-MMCHD Regional Director Dr. Gloria J. Balboa, and Hospital Infection Control and Epidemiology Center Director Dr. Karl Henson.