LATEST NEWS

CEREMONIAL LAUNCH NG PINASLAKAS CAMPAIGN SA MGA PAARALAN SA LAS PIÑAS CITY, NAGING MATAGUMPAY

MMCHD NEWS RELEASE NO. 109
AUGUST 16, 2022

Pinangunahan ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) katuwang ang School Division Office (SDO) at City Health Office ng Las Piñas City ang Ceremonial Launch ng PinasLakas Campaign sa mga paaralan sa lungsod kahapon, araw ng Lunes, ika-15 ng Agosto, 2022.
Sa isinagawang Ceremonial Launch sa gusali ng School Division Office (SDO) sa Las Piñas City, inanunsyo ni Dr. Joel T. Torrecampo, Officer-In-Charge ng Office of the Schools Division Superitendent na marami nang paaralan sa lungsod ang nagbabakuna kontra COVID-19. Ito aniya ay sa pagtutulungan ng SDO, lokal na pamahalaang lungsod at ng City Health Office.
Iginiit rin ni Dr. Torrecampo ang kahalagahan ng PinasLakas Campaign sa mga kabataan ngayong bubuksan na ang face-to-face classes sa susunod na linggo sa lungsod, gayung ang mga bakuna ang magpoprotekta aniya sa mga ito laban sa COVID-19.
Ipinabatid naman ni DOH-MMCHD Regional Director, Dr. Gloria J. Balboa sa kanyang maiksing mensahe na tayo umano ay tumutungo na sa new normal na pamumuhay at sa bagong kabanata, kung saan nabawasan na ang pag-aalinlangan sa pagtungo sa mga eskwelahan, opisina, malls, at marami pang iba dahil sa proteksyon na ibinibigay ng mga bakuna.

Kaya naman mas inilalapit pa aniya ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga lugar na ating karaniwang pinupuntahan gaya ng mga paaralan.
Sa paglulunsad ng PinasLakas Campaign sa mga paaralan sa lungsod, ay hinihikayat ni Dir. Balboa ang mga guro, magulang, administrador, support staff, at mga estudyante na makiisa tungo sa isang hinaharap na mas ligtas at maunlad, sa pamamagitan ng pagbabakuna, at ang patuloy na pag-obserba sa minimum public health standards para sa isang PinasLakas.

Sa huli ay nagpasalamat naman si Ms. Alelee Aguilar-Andanar na siyang kumatawan sa kanyang butihing kapatid na si Las Piñas City Mayor April Aguilar-Nery sa DOH-MMCHD, SDO at City Health Office na siyang naging dahilan umano upang maging posible ang paglulunsad ng PinasLakas Vaccination Campaign sa mga paaralan sa lungsod.

Ipinabatid rin nito ang buong suporta ng lungsod sa bagong kampanyang ito ng DOH alinsunod na rin sa direktiba ng kasalukuyang administrasyon sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, pinangunahan naman nina Dir. Balboa, Local Health Support Division Head Dr. Amelia Medina at National Immunization Program (NIP) Coordinator ng Las Piñas City na si Dr. Elinor Gumpal ang Ceremonial Vaccination na nagsisimbulo ng pagsisimula ng PinasLakas Campaign sa mga paaralan sa lungsod.