LATEST NEWS

KORTE SUPREMA, NAKIISA SA BAGONG KAMPANYA NG DOH SA PAGBABAKUNA KONTRA COVID-19 NA PINASLAKAS

MMCHD NEWS RELEASE NO. 108
August 17, 2022

Nakiisa ang Korte Suprema sa bagong kampanya ng Department of Health (DOH) sa pagbabakuna kontra COVID-19 na PinasLakas, ito ay kung saan nagkaroon ng Ceremonial Launch nitong araw ng Lunes, ika-15 ng Agosto, 2022 matapos ang flag raising ceremony ng hudikatura.

Ayon kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, nang dahil sa tulong at suporta ng gobyerno sa pamamagitan ng DOH, Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), at ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sila ay nakapagpabakuna kontra COVID-19 upang kanilang maipagpatuloy ang kani-kanilang mga buhay ng normal at para magtuloy-tuloy ang trabaho sa hudikatura, habang tinitiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga kawani ng hukuman, gayundin ang kanilang mga pamilya at kliyente.

“To be sure, more than ever, we need a sense of oneness, a sense of nationhood, a sense of common good, for in the difficulties that lie ahead, we know that we cannot triumph individually. We can only prevail as a whole, as one nation dedicated towards a common goal, the public welfare,” dagdag pa nito.

Sa mensahe naman ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna–Pangan, ipinabatid rin nito ang pakikiisa sa DOH sa pagsisikap nitong maabot ang target na bilang na mabakunahan sa loob ng 100 araw sa pamamagitan ng kampanyang PinasLakas. Hanggang ngayon aniya ay nanatili umanong bukas ang polisiya ng lungsod na mabakunahan ang mga kababayang mga Pilipino, hindi lamang para sa mga Manileño, kundi kahit sinong Pilipino mula sa ibang dako ng bansa.

Samantala, nagpapasalamat naman si DOH Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila at Korte Suprema sa pagdinig sa panawagan ng kagawaran na maging modelo ang hudikatura sa mga empleyado at iba pang mga opisina na ang mga bakuna ay epektibo, ligtas, at libre mula sa gobyerno.
Mababatid na nitong nakaraang linggo lamang ng magsagawa rin ang DOH ng Ceremonial Launch sa Senado para sa Legislative Branch, at ngayon naman ay para sa Judicial Branch.
Kaya giit ni Usec. Vergeire, “This show of support from the 3 branches of the Philippine government is a clear manifestation of our whole-of-government approach in fighting this pandemic and ensuring every Filipino is given the needed protection through the COVID-19 vaccines.,”
Dumalo rin sa nasabing Ceremonial Launch sa Korte Suprema ang mga opisyal ng DOH na sina OIC-Undersecretary for Public Health Services Team Director Beverly Ho, Assistant Secretary Nestor Santiago, at Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa.