LATEST NEWS

KAMPANYANG PINASLAKAS NG DOH, INILUNSAD SA SENADO

MMCHD News Release No. 107
August 10, 2022

Inilunsad na ang kampanyang PinasLakas sa senado upang mapaabot ang COVID-19 booster vaccines sa mga kawani ng mababang kapulungan ng kongreso. Ito ay sa pamamagitan ng isang programa na ginanap nitong araw ng Miyerkules, ika-10 ng Agosto, 2022, sa pangunguna ng Senate Medical and Dental Bureau (MDB) sa ilalim ni Director Cristeta Cocjin at sa tulong ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD), sa liderato naman ni Regional Director Gloria J. Balboa.

Sa pagsisimula ng programa, agad na binigyang diin ni Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr., na nananatiling depensa laban sa COVID-19 ang pagbabakuna at pagsunod sa minimum public health standards. Sa katunayan ay nag-isyu aniya ang senado nitong Lunes ng paalala sa mga health protocols sa ilalim ng Alert Level 1.

Sa pahayag ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano ay napagtagumpayan umano ang inisyatibong Vacc-to-the-Future vaccination sa kanilang lungsod, kung saan bumababa ang kanilang mga opisyal pangkalusugan upang personal na madala ang bakuna sa pamamagitan ng door-to-door sa mga barangay at establisimyento. Kataga nito, “we know that one vaccinated individual means one more life safe from possible morbidity or mortality.”

Ayon naman kay DOH Officer-in-Charge, Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire, ang kampanyang PinasLakas ay naglalayong maabot ang 90% primary 2nd dose ng senior citizens at 50% 1st booster dose coverage ng general population. Tinataya aniyang nasa 15,220 na ang PinasLakas sites sa bansa, kabilang na ang 347 markets, 3,000 eskwelahan, 1,471 workplaces, 293 transport terminals, 539 places of worship, at 6,088 mobile vaccination na rumoronda sa mga komunidad.

Inanunsyo rin nito na nasa 99% na ang fully vaccinated na mga empleyado at opisyal sa senado, at 79% naman ang nakatanggap ng 1st booster doses.
Dagdag pa ni OIC Vergeire, sinusulong ng DOH ang pagkakaroon ng Philippine Center for Disease Control and Prevention bilang paghahanda sa ibang maaaring pandemya o disease outbreak, at ang pag-amyenda sa Republic Act 11525 o COVID-19 Vaccination Program of 2021 kung saan nakapaloob ang Emergency Use Authorization ng mga bakuna at mga benepisyo dahil sa health state of calamity.

Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na siya ay tatlong beses nang nagpositibo sa COVID-19, dalawa rito ay noong panahong wala pang bakuna. Giit nito, “we are here today, all working as a testament to what we have done in the previous months in helping us all get vaccinated.”

Sa huli, binakunahan ang ilan sa mga empleyado at opsiyal sa senado, kabilang na si Deputy Secretary for Legislation Atty. Edwin Bellen.
Samantala, dumalo rin sa programa si Secretary Carlito Galvez, ang Presidential Adviser on Peace, Reconciliation Unity at Vaccine Czar ng nakaraang administrasyon.