LATEST NEWS

PINASLAKAS CAMPAIGN NG DOH, INILUNSAD NA RIN SA MEDICAL CENTER MANILA

MMCHD NEWS RELEASE NO. 106
August 12, 2022

Inilunsad na rin ng Department of Health (DOH) ang PinasLakas campaign nito sa pribadong ospital partikular na sa Medical Center Manila, kahapon araw ng Miyerkules, ika-10 ng Agosto, 2022.

Mababatid na layon ng kampanyang ito na palawakin ang bilang ng mga Pilipino na mabakunahan at mabigyan ng proteksyon laban sa COVID-19 ang nasa 23.8 milyong Pilipino sa buong bansa.

Pinapurihan ni DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa, ang Medical Center Manila sa mabilis nitong pagtugon at pagpayag sa paglulunsad ng PinasLakas campaign sa ospital. Gayundin ang pagpapasalamat sa lahat ng healthcare at frontline workers, at support staff na walang sawang tumutulong sa gobyerno at bawat mamamayang Pilipino sa gitna ng kinakaharap na pandemya bunsod ng COVID-19.

Ayon kay DOH Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire, ang utilization ng non-COVID-19 beds sa iba’t ibang ospital sa bansa ay pumalo na sa 70%, na umano’y nakakadagdag sa kasalukuyang mga bilang na naka-admit na COVID-19 patients.

Dagdag pa nito, kung mananatiling mababa ang booster uptake gayundin ang hindi pagsunod sa minimum public health standards, ay posibleng tumaas muli ang COVID-19 cases sa bansa pagsapit ng Oktubre at makapagtala ng 10,600 cases sa loob ng isang araw sa National Capital Region (NCR).

Kaya naman hinihikayat ni Usec. Vergeire ang publiko na kumpletuhin ang bakuna at magpa-booster na. Buuin ang wall of immunity para sa proteksyon ng bawat isang mamamayang Pilipino para sa isang PinasLakas.

Samantala, dumalo rin sa nasabing paglulunsad ng PinasLakas sa Medical Center Manila ang mga ospisyal nito na sina Dr. Eduardo S. Eseque, President at Medical Director, Dr. Ma. Assunta M. Mendoza, Chief of Clinics, at si Dr. Evalyn A. Roxas, Head ng Section of Infectious Diseases.

Kumatawan naman sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila si Dr. Jesse Bermejo, Chief ng City Epidemiology and Surveillance Unit ng Manila Health Department.