MMCHD News Release No. 105
August 4, 2022
Naging matagumpay ang paglulunsad ng PinasLakas Vaccination Campaign sa mga Transport Terminal ngayong araw ng Huwebes, ika-4 ng Agosto, 2022, sa isang programa na ginanap sa SM City Fairview. Pinangunahan ito ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD), katuwang ang pamahalaang panlungsod ng Quezon City at ng SM Supermalls.
Layon nitong ilapit ang bakuna laban sa COVID-19 sa mga drayber, commuters at mall-goers at mas paigtingin ang bakunahan sa unang isang daang (100) araw ng bagong administrasyon, sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.
Nagpahayag si SM Supermalls Senior Assistant Vice President of Operations Johanna Melissa Rupisan ng kanilang muling pagsuporta sa bagong kampanya, matapos silang makapagbakuna ng mahigit 10 milyon doses sa kanilang shopping malls mula noong taong 2021.
Binalita ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, na para sa PinasLakas, ang National Capital Region (NCR) ay may target na 20,231 para sa 2nd dose primary series ng mga Senior Citizen at para naman sa 1st booster dose ng general population, ang rehiyon ay may target na 658,112.
Sa mensahe naman na pinaabot ni Quezon City Mayor, Hon. Josefina “Joy” Belmonte, na binasa ni Action Officer of Quezon City Vaccination, Dr. Malou Eleria, naging obserbasyon na ang publiko ay talagang pumupunta sa bakunahan kung malaman nilang mayroong malapit sa kanilang tirahan o sa kanilang patutunguhan. Aniya, patuloy ang lungsod sa paglalapit ng bakuna sa mga tao.
Pinatunayan ni Health, Public Safety and Environmental Protection Office Director ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Dr. Ma. Loida L. Alzona ang bisa ng bakuna at nilahad na 11 ang pumanaw sa MMDA dahil sa COVID-19, bukod sa kanilang mga empleyado na na-ospital. Giit nito, matapos makakuha ng bakuna ay wala nang naitalang kaso ng pagpanaw dahil sa COVID-19 sa kanilang ahensya. Patuloy aniya ang kanilang suporta, sa ilalim ng pamamahala ng kanilang bagong Acting Chairman, Engr. Carlo Antonio Dimayuga.
Nagpabatid din ng suporta ang Department of the Interior and Local Government (DILG), kung saan sambit ni Policy Compliance Monitoring Division Atty. Maria Rhodora Flores na “tiyak na sa bakunang ligtas, ang Pilipinas ay lalakas”.
Sa pahayag naman ni DOH Epidemiology Bureau Director, Dr. Alethea De Guzman, kaniyang kinumpara ang ingay sa terminal ng mga tao at ng mga sasakyan ngayon, sa simula ng pandemya kung saan iyon ay nagmistulang “ghost town”. Sinaad nito na dahil sa proteksyon mula sa bakuna ay nanumbalik ang sigla ng ating ekonomiya. Ngunit nagbabala ito sa muling pagtaas ng kaso, kaya’t nanawagan si Dir. De Guzman na magpabakuna para sa dagdag proteksyon, kasabay ng pagsuot ng mask, pagpapanatili ng airflow sa mga silid, at pag-isolate kung nakararanas ng sintomas. Sinegundahan nito na tinitiyak ng DOH na ligtas at epektibo ang mga bakuna.
Sa pagtatapos, naging matagumpay ang isinagawang ceremonial vaccination ng 2nd booster doses sa mga senior citizens at dumalo rin ng bakunahan si Quezon City Officer-in-Charge City Health Officer, Dr. Esperanza Anita Escaño-Arias.