MMCHD News Release No. 102
August 1, 2022
Tumungo sa Pasig City Sports Center si President Ferdinand Romualdez Marcos Jr. nitong araw ng Lunes, ika-1 ng Agosto, 2022, bilang bahagi ng kampanyang PinasLakas para sa pagbabakuna ng booster shots kontra COVID-19. Siya ay sinamahan ni Department of Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, at sinalubong naman nina Pasig City Mayor Victor Ma. Regis “Vico” Sotto, Vice Mayor Robert Jaworski Jr. at Pasig City District Representative, Congressman Roman Romulo.
Sa kaniyang paunang salita, batid ni Pasig City Mayor Vico Sotto na ang bakunahan ay “isa sa mga pinamakahirap na ginawa ng lokal na pamahalaan”, ngunit dagdag nito na ramdam agad ang suporta mula sa bagong administrasyon.
Giit naman ni DOH OIC Maria Rosario Vergeire na ang bagong kampanya sa bakunahan, ang PinasLakas ay “naglalayon upang makapagbakuna [tayo] ng ating mga nakakatanda at saka ang mga first booster shots sa ating populasyon”, lalo na sa unang isang daang araw ng Pangulo. Aniya, nabawasan na ang ating immunity mula sa mga naunang doses, kung kaya’t ito ay kailangang pagtibayin ng booster shots upang maprotektahan ang publiko mula sa severe infection at pagkaka-ospital.
Sa mensahe ni Pangulong Bongbong Marcos, “ang sadya ko po ay napakasimple lamang. Tinitignan ko kung mahusay ang pagpapatakbo ng ating booster rollout na ginagawa ngayon.” Binigyang diin ng pangulo na sa mga lumalabas na variant ng COVID-19 ay mahalagang muling magpabakuna, panatilihin ang pagsuot ng face mask at paghuhugas ng kamay. Sa mga salita ng pangulo, “wala tayong ibang panlaban sa COVID-19 kung hindi ang vaccine o ang bakuna”, at kung maging matagumpay ang rollout ay kaniyang pinangako na hindi na muling magkakaroon ng lockdowns. Sa huli, sinabi ng pangulo na maging maingat hanggang sa tuluyang maging COVID-free ang bansa.
Samantala, tumungo rin sa bakunahan sina Executive Secretary Victor Rodriguez, DOH Assistant Secretary Nestor Santiago, OIC-Undersecretary Beverly Lorraine Ho, Director Albert Francis Domingo, at Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria J. Balboa.