MMCHD News Release No. 101
August 1, 2022
Kinilala ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang Pasig City General Hospital (PCGH) bilang Mother-Baby Friendly Health Facility ngayong Breastfeeding Month sa Flag Raising Ceremony ng Pasig City Hall, ika-1 ng Agosto, 2022.
Pinapanatili ng DOH-MMCHD ang kalidad ng mga programa para sa mga nanay at mga sanggol katulad ng pagbibigay atensyon sa breastfeeding, kaugnay ang mga mandato sa bansa tulad ng Executive Order 51 o Milk Code, Republic Act 7600 o Rooming-In Act, at Republic Act 10028 o Expanded Breastfeeding Act of 2009. Kung kaya’t sumasailalim sa proseso upang maging ganap na Mother-Baby Friendly at maging accredited ang isang pasilidad.
Ito ay nakumpleto at naipasa ng PCGH, kabilang ang pagtalaga ng mga lokal na polisiya na nakaayon sa ating mga batas, implementasyon ng 10 steps to successful breastfeeding, pagbuo ng breastfeeding committee, trainings, paghanda ng mga teknikal na dokumento at promosyonal na materyales, at pagdaan sa proseso ng interviews at observation, kaya’t ginawad ang Certificate of Accreditation sa PCGH ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa nitong Lunes, sa presensya ni Pasig City Mayor Victor Ma. Regis “Vico” Sotto. Tinanggap naman ito ng Breastfeeding Committee ng PCGH, sa pangunguna ni Dr. Alicia Santos.
Nagpaabot si Director Balboa ng kaniyang pagbati at pasasalamat sa ospital, kay Mayor Vico at City Officials sa kanilang suporta sa mga programa ng DOH, at sa pagbibigay prayoridad sa mga pangangailan ng mga ina at sanggol.
Kasama sa nakasaksi ng paggawad sina Pasig City Vice Mayor Robert Jaworski Jr., District Representative, Congressman Roman Romulo at ang mga kawani ng pamahalaang panlungsod.