MMCHD News Release No. 99
July 28, 2022
Isang araw matapos ilabas ng Department of Health (DOH) ang guidelines upang palawigin ang mga maaaring mabakunahan ng 2nd booster dose ng COVID-19 vaccine, sinimulan na ang pagbabakuna sa nasabing grupo na may edad na 18 gulang pataas sa San Juan City, araw ng Huwebes, ika-28 ng Hulyo, 2022.
Kinilala ang San Juan City bilang isa sa mga aktibo at may matagumpay na roll-out ng 1st booster dose matapos nitong makamit ang 98% coverage ng kanilang target. Dahil rito, mas hinikayat ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang mga pinapayagang indibidwal upang kunin ang kanilang ikalawang booster dose.
Sinundan ito nang pagbibigay linaw ni DOH-Public Health Service Team Officer-in-Charge Undersecretary Beverly Lorraine C. Ho tungkol sa paghina ng immunity ng mga nabakunahan ilang buwan matapos nitong matanggap ang huling vaccine dose. Aniya, ang pagbabakunang ito ay magpapalakas muli ng wall of protection o immunity na maaring humina matapos ang ilang buwan.
Inanyayahan din ni OIC-USec. Ho ang publiko na tangkilikin ang PinasLakas Campaign ng pamahalaan na layuning mabakunahan ng primary series vaccine ang 90% ng senior citizens at ng unang dose naman ang 50% ng general population sa Metro Manila mula ika-26 ng Hulyo hanggang ika-8 ng Oktubre, 2022.
Inilahad din ni Department of Interior and Local Government (DILG) Policy Compliance Division Chief Atty. Dang Flores ang mensahe ni DILG Secretary Benjamin Abalos na naglalaman ng kanilang suporta sa PinasLakas Campaign sa pamamagitan ng pag-i-issue ng Memorandum.
Ito ay nagsasaaad ng pagsasagawa ng Risk Communication Plan ng mga lokal na pamahalaan upang maibaba ang pag-aalinlangan ng publiko para sa bakuna kontra COVID-19.
Samanatala, para sa nais magpabakuna, maari lamang makipag-ugnayan sa pinakamalapit na health center sa inyong Barangay o sa tanggapan ng inyong lungsod para sa iba pang impormasyon.
Ang ceremonial vaccination ay dinaluhan din ni San Juan City Councilor Macky Mathay at DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria J. Balboa.