MMCHD NEWS RELEASE NO. 97
JULY 27, 2022
Pormal nang sinimulan ang PinasLakas Campaign ng Department of Health (DOH), kahapon araw ng Martes, ika-26 ng Hulyo, 2022.
Ang bagong kampanya ay naglalayong paigtingin at palawakin ang bilang ng mga Pilipino na mabibigyan ng proteksyon, partikular na ang mabigyan ng kumpletong bakuna ang 90% ng mga senior citizens at booster shots para sa 50% ng eligible population sa bansa.
Ayon kay DOH Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire, ang PinasLakas Campaign ay gagawin sa loob ng unang 100 araw ng bagong administrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aniya, gagawing mas abot-kamay ang mga libre at ligtas na booster shots sa pamamagitan ng settings-based approach gaya ng pagbabakuna sa opisina, paaralan, simbahan, palengke, pabrika, plaza, malls, terminal at iba pang mga lugar sa komunidad.
Tiwala naman si OIC, Usec Vergeire na makakamit ang target para sa kampanyang ito sa pamamagitan ng muling pagkakaisa at suporta ng bawat isa, mula sa mga national government agency, development partners, lokal na pamahalaan, pribadong sektor, organisasyon, grupo, at bawat pamilyang Pilipino.
Sa huli, hinikayat ni OIC, Usec Vergeire ang lahat na magpa-booster na at buuin ang wall of immunity para sa proteksyon ng bawat isa.
Bilang bahagi ng aktibidad ay nagkaroon ng Ceremonial Vaccination na nagsisilbing kumpas ng pagsisimula ng PinasLakas Campaign.
Samantala, lumagda naman sa Commitment Wall ang mga panauhin mula sa bawat ahensya at stakeholders na nagsimbulo ng kanilang pagsuporta sa kampanyang ito.