LATEST NEWS

KASO NG DENGUE SA NCR, PATULOY NA TUMATAAS; BILANG NG MGA NASAWI UMAKYAT NA SA LABING WALO

MMCHD NEWS RELEASE NO. 96
JULY 26, 2022

Kinumpirma ni Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa naging panayam nito kay Mr. Jude Hicap ng programang “Sa Bayan ni Juan” ng DZRH Radyo Bandido ang pagtaas ng kaso ng Dengue sa National Capital Region (NCR) at pagkasawi ng ilang indibidwal dahil sa sakit.
Ayon kay Dir. Balboa, lumalabas sa datos na mula Enero 1 hanggang Hulyo 23, 2022 ay umakyat na sa 7,451 ang bilang ng kaso ng Dengue, 18 ang nasawi habang 509 ang na-admit sa ospital.

Ito aniya ay mas mataas ng 52% kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na katumbas ng 4,893 kaso ng Dengue.

Dagdag pa ni Dir. Balboa, nasa 13 na lungsod sa Metro Manila ang nakitaan ng pagtaas ng kaso ng Dengue mula sa kabuuang 17 lungsod sa rehiyon.

Bagaman nakitaan ng pagtaas ng kaso ng Dengue na nasa 6% kumpara sa nakaraang 5-year average ng cases, sinabi ni Dir. Balboa na nasa Below Alert Threshold ang NCR ngayong linggo.

Upang hindi na tumaas pa ang bilang ng kaso at pagkasawi dahil sa Dengue sa rehiyon, ay hinikayat ni Dir. Balboa ang publiko na maging maalam sa mga sintomas ng sakit na ito gaya ng biglaang pagtaas ng lagnat na maaaring tumagal mula sa dalawa (2) hanggang pitong (7) araw, sakit sa kasukasuan at kalamnan, panghihina, rashes sa balat, sakit sa tiyan, pagdurugo ng ilong kapag ang lagnat ay nagsisimulang humupa, pagsusuka ng kulay na kape, madilim na kulay na dumi, hirap sa paghinga, at pananakit ng likod ng mga mata.

Huwag aniya itong ipagsawalang bahala at agad na magtungo sa pinakamalapit na pagamutan upang hindi na lumala ang sakit.

Kaakibat rin aniya ng pagiging maalam sa impormasyon sa Dengue ang pagsasagawa ng 4S Drive ng DOH, kung saan ang unang ‘S’ ay ‘Search and Destroy Breeding Places’; Ikalawang ‘S’ ay ang secure self-protection; Ika’tlong ‘S’ ay ‘Seek Early Consultation’; at ika-apat na ‘S’ ay ang ‘Support Fogging or Spraying in hotspot areas’.