MMCHD NEWS RELEASE NO. 94
JULY 22, 2022
Nagtungo si Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire, bagong talagang Officer-In-Charge ng Department of Health (DOH) sa Sta. Ana Hospital at Manila COVID-19 Field Hospital sa Maynila, nitong Miyerkules, ika-20 ng Hulyo, 2022 kasama sina Assistant Secretary Nestor Santiago, Manila City Mayor Maria Sheilah Lacuña–Pangan at DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria Balboa.
Layon niyang ilatag ang bagong direktiba ng administrasyon hinggil sa pagbabakuna kontra COVID-19 at malaman ang mga pangangailangan ng mga ospital na siyang instrumento upang makapagbigay ng maayos na sebisyong pangkalusugan sa publiko.
Ikinatuwa naman ni Usec. Vergeire ang pagsisiskap ng ospital na maabot ang mas dekalidad na serbisyo sa publiko at ang hangarin nitong makamit ang target na maging Level 3 hospital. Ikinabilib rin niyang makita ang iba't ibat kagamitan tulad ng rehabilitation robots at mala-hotel na pasilidad ng ospital.
Aniya, isa itong magandang ehemplo na magtutulak sa iba pang mga pampublikong ospital na magkaroon ng mataas na pamantayan sa pagbibigay serbisyo sa publiko.
Ipinabatid naman ni Mayor Lacuña–Pangan na walang sawa nilang susuportahan ang DOH sa anumang programa nito para sa ikabubuti ng kalusugan ng bawat mamamayang Pilipino.
Samantala, pinangunahan naman ni Dr. Arlene Raule Dominguez, COVID-19 Field Hospital OIC-Director ang pagtalakay ng estado ng ospital at mga datos nito mula nang magbukas ang ospital hanggang sa kasalukuyan.
Ang parehong ospital ay bukas hindi lamang sa mga residente ng Lungsod ng Maynila kundi pati na rin sa hindi naninirahan dito.
Sa huli ay inanunsyo ni Usec. Vergeire ang bagong direktiba ng bagong administrasyon sa paglaban kontra COVID-19 gaya ng paglulunsad ng bagong kampanya sa unang 100 Days ng bagong administrasyon, ang vaccination o mas kilalang "PinasLakas Vaccination Campaign" sa darating na ika-26 ng Hulyo, 2022 sa PITX, Paranaque City.