MMCHD NEWS RELEASE NO. 93
JULY 21, 2022
Isa ang Department of Health (DOH) sa ilang ahensya ng gobyerno na nakiisa sa isinagawang Leaders’ Forum on Long-term Resilient Healthcare Waste Management Planning sa pangunguna ng United Nations Development Programme (UNDP) Philippines, nitong araw ng Martes, ika-19 ng Hulyo, 2022 sa Seda Hotel Vertis North, Quezon City.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong tipunin ang mga lider ng DOH, mga ospital, healthcare institutions mula sa iba’t ibang ahensya at stakeholders’ groups, upang talakayin ang kahalagahan at iminumungkahing konsepto para sa resilient healthcare waste management plan.
Ayon kay DOH-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa, isang kahanga-hangang tanawin na makitang magsama-sama ang iba’t ibang sektor at ahensya upang tugunan ang nakakabahalang paglaki sa problema ng healthcare waste management sa bansa. Ito ay bunsod ng mga basurang pinaggamitan pangtugon sa pandemyang COVID-19 gaya ng personal protective equipment (PPEs), swabs, masks, blood bags, sputum cups, syringes, test tubes at iba pang pathological waste.
Dapat rin aniyang samantalahin ang pagkakataong ito upang bigyan ng kaukulang pansin ang mga basurang ito na maaaring magpalala sa sitwasyon ng pangkalusugan sa bansa.
Giit naman ni Health Facility Development Bureau Director Ma. Theresa G. Vera, “a systematic and coordinated approach is paramount and essential in the management of such wastes which include proper and safe waste segregation, collection, storage, treatment and final disposal.” Dagdag pa nito na kailangang bigyan ng agarang aksyon ang health care waste sa pamamagitan ng pangmatagalang plano at polisiya.
Bago magtapos ang aktibidad ay nagkaroon rin ng open forum kung saan ang bawat lider ng iba’t ibang ahensya gayundin ang pribado at pampublikong sektor ay nagkaroon ng pagkakataon na magbigay ng mga rekomendasyon.
Pinangunahan ang program ni Healthcare Without Harm Southeast Asia Executive Director, Mr. Ramon San Pascual at dinaluhan naman ni UNDP Philippine National Coordinator, Mr. Rodolfo Calzado at Team Leader, Ms. Floradema C. Eleazar, gayundin ang ilang mga kinatawan mula sa DOH-MMCHD, Pasig City General Hospital at Dr. Jose N. Rodgriguez Memorial Hospital and Sanitarium.