LATEST NEWS

NATIONWIDE CPR-AWARENESS CAMPAIGN NGAYONG TAON, MATAGUMPAY NA ISINAGAWA SA SAN JUAN CITY

MMCHD NEWS RELEASE NO. 91
July 16, 2022

Isinagawa ang Nationwide CPR-Awareness Campaign 2022 bilang bahagi ng Usapang Puso sa Puso Nationwide CPR Day Special ng Philippine Heart Association nitong araw ng Sabado, ika-16 ng Hulyo, 2022.

Pinangunahan ang nasabing kaganapan nina Chairperson of Philippine Heart Association (PHA) Dr. Don Robespierre Reyes at Dr. Jason Santos kung saan mayroong 20 sites sa buong Pilipinas ang nagsagawa at nagdaos ng CPR Awareness Campaign mula Luzon, Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng pagpapalabas ng iba’t ibang video na nagpapakita ng kahalagahan ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) at Automated External Defibrillator (AED).

Layunin nito na maibahagi ang kahalagahan ng CPR at AED sa pagsagip ng buhay. Hangarin din ng kampanyang ito na maitaas ang kamalayan ng publiko at madagdagan ang bilang ng Pilipino na may kakayahan sa pagsagawa ng Basic Life Support (BLS).

Nagpakita naman ng suporta ang Regional Director ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) na si Dr. Gloria J. Balboa, sa pamamagitan ng pagbigay ng maikling talumpati.

Ayon kay Dir. Balboa, ang aktibidad na ito ay nagsimula noon taong 2016 kung saan siya pa ang Director ng Health Emergency Management Bureau (HEMB). Aniya, bilang bahagi sa pagpapahalaga ng mga Pilipino sa buhay ng kanilang kapwa, mahalagang matutunan ang agarang aksyon gaya ng pagtawag sa emergency hot lines at ang pasasagawa ng CPR at AED hanggang sa dumating ang tulong.
Dagdag pa nito, sa sitwasyon ng medical emergency ay mayroong tinatawag na “Golden Hour” kung saan ang unang 60-minuto ay napakahalaga sapagkat ito ang tanging oras kung saan maaaring masagip ang isang buhay.

Aniya, hindi alintana ang posisyon o estado ng isang indibidwal, dahil kahit doktor, health care worker, driver, janitor o sibilyan ay may responsibilidad sa buhay ng bawat isa at makakamit lang umano ito gamit ang kaalaman sa BLS.

Sa huli, hinihikayat nito ang publiko na gamitin ang bawat pagkakataon upang makatulong sa pagsagip ng buhay.