MMCHD News Release No. 90
July 14, 2022
Nilagdaan na ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) at MYEG Philippines ang kasunduang i-automate ang mga transaksyon nito upang makapagbigay ng mas mabilis at organisadong serbisyo sa publiko nitong araw ng Martes, ika-12 ng Hulyo, 2022.
Ang MYEG Philippines ay isang electronic solutions company na layong matulungan ang mga ahensya ng gobyerno alinsunod sa Republic Act 11032 o ang “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery” sa pamamagitan ng pagdi-digitalize ng mga transaksyon, lalo na ang mga bayarin.
Pinagmalaki ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa ang karangalan na maging kauna-unahang tanggapan ng DOH na tumatanggap ng online payments. Aniya, malaking tulong ang kasunduang ito upang mas maisakatuparan ang layunin ng ahensya sa pagbibigay ng mas mabilis at mas epektibong serbisyo sa publiko.
Tiniyak naman ni MYEG Philippines Chief Executive Officer Ann Margaret Saldaña na handa silang tumbasan ang bilis at epektibong serbisyong ibinibigay ng DOH-MMCHD sa mga kliyente nito. Inilahad rin niya ang iba’t iba pang mga uri ng suporta na kanilang ibabahagi sa ahensya kabilang na ang mga teknikal at promosyonal na suporta. Dagdag pa nito, kabilang sa kasunduan ang pagkakaroon ng Customer Support Service na sasagot sa lahat mga katanungan tungkol sa online transactions sa DOH-MMCHD.
Dinaluhan ang Signing of Memorandum nina MMCHD Assistant Regional Director Aleli Annie Grace Sudiacal, Management Support Service Division Chief Philip Du at iba pang kawani ng DOH-MMCHD at MYEG Philippines.