MMCHD NEWS RELEASE NO. 88
JULY 6, 2022
Kinumpirma ni Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa sa naging panayam nito sa programang Usaping Bayan ng SMNI News kasama sina Mr. Mike Abe at Mr. Jade Calabroso, na mayroong pagtaas ng kaso ng Dengue sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Dir. Balboa, lumalabas sa datos mula Enero 1 hanggang Hunyo 4, 2022 ay nakapagtala ang rehiyon ng 5,735 na kaso ng Dengue habang 16 naman ang nasawi.
Ito aniya ay mas mataas ng 28% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon kung saan tinatayang nasa 4,496 ang kaso ng Dengue.
Bagaman nakitaan ng pagtaas ng kaso ng Dengue ay nilinaw naman ni Dir. Balboa na nananatili paring nasa Below Alert Threshold ang NCR kung pagbabasehan ang nakaraang 5 year average ng dengue cases sa bansa.
Upang hindi na tumaas pa ang bilang ng kaso, ay hinikayat naman ni Dir. Balboa ang publiko na ugaliin ang 4S Drive ng DOH, kung saan ang unang ‘S’ ay ‘Search and Destroy Breeding Places’; Ikalawang ‘S’ ay ang secure self-protection; Ika’tlong ‘S’ ay ‘Seek Early Consultation’; at ika-apat na ‘S’ ay ang ‘Support Fogging or Spraying in hotspot areas’.
Tiniyak rin ni Dir. Balboa na sapat ang bilang ng mga doktor sa mga pampublikong ospital sa NCR upang matugunan ang dumaraming kaso ng Dengue. Dagdag pa nito na bagaman mayroong bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay nananatiling mababa ang occupancy rate ng mga ospital dahil mayorya sa mga kaso ng COVID-19 ay asymptomatic to mild cases lamang.
Samantala, nang tanungin sa panayam ang estado ng kagawaran ngayong wala pang napipiling Health Secretary ay ipinabatid naman ni Dir. Balboa na tuluy-tuloy lamang ang trabaho ng bawat isa sa ahensya gayung may kani-kaniya naman umano itong trabaho at responsibilidad.