Matagumpay na pinangunahan ng Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang mga pangangailangang medikal sa ginanap na Inagurasyon ni Presidente Ferdinand Romualdez Marcos Jr. nitong ika-30 ng Hunyo, 2022 sa National Museum sa lungsod ng Manila.
Ito ay sa pangunguna ni MMCHD Regional Director Gloria J. Balboa, kasama ang Regional Health Emergency Management Unit (HEMU).
Nakipagtulungan ang kanilang grupo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Office of the President (OP), Presidential Security Group (PSG), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP), maging ang DOH-Central Office Health Emergency Management Bureau (HEMB) sa pagbuo ng plano bilang pagtugon sa maaaring ‘di kanais-nais na kaganapan sa araw ng inagurasyon.
Ang Health Emergency Response Teams (HERTs) ay binuo ng 41 na doktor, 49 nurse, 9 nursing attendants, at 21 drivers na mga naka-istasyon sa Malacañang, Philippine International Convention Center (PICC), National Museum of Fine Arts, National Museum of Anthropology, at Mendiola.
Ang mga bumuo ng HERTs ay nagmula sa mga ospital ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC), East Avenue Medical Center (EAMC), Research Institute for Tropical Medicine (RITM), San Lazaro Ruiz General Hospital (SLRGH), Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS), Tondo Medical Center (TMC), San Lazaro Hospital (SLH), National Childrens Hospital (NCH), National Center for Mental Health (NCMH), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Rizal Medical Center (RMC), Philippine Heart Center (PHC), Lung Center of the Philippines (LCP), Philippine Orthopedic Center (POC), Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center (LPGH and STC), Dr. Jose Fabella Memorial Hospital (DJFMH), at Valenzuela Medical Center (VMC).
Nagkaroon rin ng screening at swabbing para sa lahat ng working staff at sa mga dumalo sa inagurasyon. Dineploy sa PICC ang mga grupo mula sa MMCHD at PCG na binuo naman ng 50 screeners, 95 swabbers, at 12 na doktor. Ito ay upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 virus sa nasabing okasyon.
Samantala, nakatulong naman sa pagdala ng staff sa mga nasabing lokasyon ang tanggapan ni Director Roderick M. Napulan ng DOH Administration and Financial Management Team (DOH-AFMT), at Chairman Romando “Don” Artes ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Laking tulong din ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paglaan ng mga kagamitan upang maayos na maidaos ang swabbing ng mga kinatawan ng ahenya.
Sa huli, umani ng pagbati ang DOH-MMCHD sa maayos na pagsagawa nito ng medical response. Nagpapasalamat naman ang ahensya sa lahat ng nakatrabaho nito para sa inagurasyon, lalo na sa pakikipagtulungan ng mga ospital at health workers.