Pinasinayaan ang Bagong Ospital ng Maynila kasabay ng pagdiriwang nito ng ika-451 Anibersaryo ng Lungsod Maynila nitong araw ng Biyernes, ika-24, ng Hunyo, 2022.
MMCHD NEWS RELEASE NO. 85
JUNE 29, 2022
Pinasinayaan ang Bagong Ospital ng Maynila kasabay ng pagdiriwang nito ng ika-451 Anibersaryo ng Lungsod Maynila noong araw ng Biyernes, ika-24, ng Hunyo, 2022.
Ang Bagong Ospital ng Maynila ay mayroong sampung (10) palapag na fully-airconditioned, anim (6) na operating rooms, labing-isang (11) kama para sa pre/post operation, labing dalawang (12) kama para sa neonatal intensive care unit, dalawampu’t limang (25) kama para sa intensive care units, labing siyam (19) na private rooms, limampu’t dalawang (52) na ward rooms, at tig-isang (1) kuwarto para sa bawat MRI at CT scan. Ito rin ay inaasahang magkakaroon ng dalawang service elevators at escalators, apat (4) na bed elevators at isang (1) helipad.
Ayon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, ang Bagong Ospital ng Maynila ay katuparan sa pangarap ng Pamahalaang Lungsod na mabigyan ng de kalidad at mahusay na serbisyong medikal hindi lamang para sa mga residente kundi sa bawat mamamayang Pilipino. Kaya kanya umanong pinagsumikapan na makapagpatayo ng isang pampublikong pagamutan na ang pasilidad ay hindi nalalayo sa mga sikat at pribadong pagamutan sa bansa.
Samantala, nakiisa naman ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa pangunguna ni Assistant Regional Director Aleli Annie Grace P. Sudiacal sa isinagawang pagpapasinaya sa nasabing ospital.
Ipinabatid ni Assistant Dir. Sudiacal sa kanyang mensahe ang taos pusong pasasasalamat ng ahensya sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna nina Mayor Isko Moreno at Incoming Mayor Honey Lacuna-Pangan dahil sa walang sawang pagtugon nito maprotektahan lamang ang komunidad mula sa banta ng iba’t ibang sakit.
Kumpiyansa aniya na sa pamamagitan ng Bagong Ospital ng Maynila, ay libu-libong pamilya ang maliligtas mula sa epekto ng sakit at karamdaman, na siyang makakatulong sa mga kababayan Pilipino sa panahon ng kahirapan.
Samantala, dumalo rin sa nasabing pagpapasinaya ng ospital sina Manila City Vice Mayor Honey Lacuna, Congressman John Marvin “Yul Servo” Nieto, Ospital ng Maynila President Dr. Karl Oliver Laqui, at DOH Representative to Manila City Dr. Haydee Len Palamo.