LATEST NEWS

COVID-19 VACCINATION RAMP-UP ACTIVITY SA SM NORTH EDSA, MATAGUMPAY

MMCHD NEWS RELEASE NO. 79
June 22, 2022

Naging matagumpay ang COVID-19 vaccination ramp-up activity ng Department of Health (DOH) na may temang “Back-to-Vax Champion” sa SM North EDSA noong Biyernes, ika-17 ng Hunyo, 2022.

Layunin ng nasabing aktibidad na mas mahikayat ang publiko na makilahok sa programa ng pamahalaan laban sa nakamamatay na COVID-19 virus, higit ngayong may pagtaas ang bilang ng mga kaso nito sa bansa.

Inihayag ni Quezon City Mayor Maria Josefina “Joy” Belmonte ang iba’t ibang estratehiya na ginagawa ng lungsod upang mas agresibo pang hikayatin ang kaniyang nasasakupan na magpabakuna – mula bata, mangagawa, may mga karamdaman hanggang sa grupo ng senior citizens.

Ani naman ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Romando “Don” Artes, upang maramdaman na ang kampyonado, kinakalingang patuloy pa rin ang pagsunod sa Minimum Public Health Standard (MPHS).

Nilinaw naman ni Secretary Vivencio “Vince” Dizon ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Aniya, hindi lamang Pilipinas ang nakakaranas ng nasabing pagtaas kundi pati na rin ang iba pang malalaking bansa. Upang maiwasan pa ang pagtataas na ito, binigyang diin niya ang kahalagahan ng pasusuot ng facemask at pagbabakuna.

Kasabay ng paalala ni Department of Health Secretary Francisco Duque III tungkol sa pagsunod sa MPHS ay ang kaniyang pasasalamat sa mga healthcare workers na nagsakriprisyo sa gitna ng pademya.

Hindi naman matawaran ang suporta ng pribadong sektor tulad na lamang ng SM Supermalls, McDonald’s Philippines, Jollibee Corporation, at Southstar Drugs upang mas mapalawig pa ang kampanya at nang mapagtagumpayan na ang COVID-19 pandemic.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga kawani ng DOH tulad nina Usec. Myrna Cabotaje, Usec. Elmer Punzalan, at DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria J. Balboa. Dumalo rin ang mga kawani ng Quezon City Health Office na pinangunahan ni Dr. Esperanza Anita Arias at ang mga representative ng pribadong sektor na sina Margo Tores ng Mcdonalds at Pepot Miñana ng Jollibee.