MMCHD NEWS RELEASE NO. 78
June 10, 2022
Naging matagumpay ang isinagawang Regional Launch ng Scaling Up Nutrition (SUN) 3.0 at Signing ng Memorandum of Understanding (MOU) para sa Regional Networks of Civil Society, Academe and Business noong Biyernes, ika-10 ng Hunyo, 2022.
Ang paglulunsad ng Scaling Up Nutrition o SUN Movement ay isang pandaigdigang kilusan ng gobyerno, civil society, development partners, academe, business, at private sector na nagsasanib pwersa upang mapabuti ang nutrisyon ng bawat mamamayang Pilipino. Ang paglagda naman ng MOU ay hudyat ng pagsisimula ng multi-sectoral partnerships ng mga miyembro ng regional SUN Networks sa Metro Manila.
Lubos na nagpapasalamat si Ms. Milagros Elisa V. Federizo, NNC-NCR Regional Nutrition Program Coordinator, sa lahat ng nakikipagtulungan upang malabanan ang malnutrisyon sa bansa sa pamamagitan ng pagiging miyembro ng SUN Movement.
Ayon kay Assistant Secretary at Executive Director IV ng NNC-Country Sun Focal Point na si Azucena M. Dayanghirang, ang numero unong dahilan ng malnutrisyon sa bansa ay ang kahirapan lalo na umano ngayong pandemya bunsod ng COVID-19.
Kaya naman hinihikayat nito ang pampubliko at pribadong sektor gayundin ang iba pang stakeholders na makipagtulungan at umaksyon dahil hindi na makakapaghintay ang mga kabataan na sila’y mailigtas mula sa suliranin ng malnutrisyon.
Iginiit naman ni Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa na epektibo ang pagtugon sa isang problema ng bansa kung ang lahat ay magtutulungan gaya na lamang ng naging aksyon ng iba’t ibang stakeholders sa rehiyon laban sa COVID-19.
Talaga aniyang kapana-panabik na maging bahagi ng kilusang ito sa rehiyon, dahil ang mga puntong ito ng pag-unawa at paggawa ng patakaran, ay humahantong sa aktwal at direktang mga pagbabago sa buhay ng mga Pilipino tungo sa malusog na pamumuhay.
Umaasa naman si Dir. Balboa na sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga estratehiya, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan, ay umaasa ito na makita ang malusog na Pilipino lalo na ang mga kabataan sa mga komunidad.