MMCHD NEWS RELEASE NO. 76
June 8, 2022
Nagsagawa ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ng Dengue Monitoring sa lungsod ng Taguig sa pangunguna ng Health Promotion Unit (HPU), noong Miyerkules, ika-8 ng Hunyo 2022.
Naglalayon itong gabayan ang lungsod sa pagpapatupad ng mga programa nito upang mapuksa ang Dengue ngayong panahon ng tag-ulan.
Ito ay matapos na pormal na makiisa ang Taguig sa paglulunsad ng Clean-Up Drive na sinimulan noong Lunes, ika-6 ng Hunyo, 2022. Sa proyektong ito, ang mga barangay sa lungsod ay sabay-sabay na lalahok sa 4 o’clock cleaning drive araw-araw, tuwing 4:00 ng hapon, upang linisin ang kanilang mga komunidad lalo na sa mga paaralan, opisina, at iba pang pampublikong lugar na posibleng pamugaran ng mga lamok.
Isa sa pinuntahan ng mga kawani ng DOH-MMCHD ang Barangay Lower Bicutan, kung saan nagsagawa dito ng inspeksyon sa mga kagamitan gaya ng fogging machines at mosquito treated nets. Namahagi rin ang ahensya ng Ovitraps at Aquatabs sa mga residente at pinangunahan ang 4 o’clock cleaning drive.
Ang mga kawani ng DOH-MMCHD na nagsagawa ng Dengue Monitoring ay kinabibilangan ng mga kawani ng HPU na sina Mr. Reginald Santiago, Ms. Klarissa Navarro, at Ms. Allyson Sy. Nakiisa rin sa isinagawang aktibidad sina Dr. Ma. Natividad Monsod at Ms. Ismaelyn Natividad na kapwa Dengue Coordinator ng Taguig, gayundin sina Barangay Lower Bicutan Taguig Chairman Roel Pacayra at Kagawad on Health Mr. Alvar Cruz.
Samantala, nakatakda ring magsagawa ng Dengue Monitoring ang DOH-MMCHD sa mga lungsod ng San Juan, Pasig, at Paranaque sa mga susunod na linggo.