LATEST NEWS

MGA PAMAMARAAN KUNG PAANO MAIIWASAN ANG SAKIT NA DENGUE NGAYONG TAG-ULAN, INILAHAD NI DOH-MMCHD REGIONAL DIRECTOR GLORIA J. BALBOA SA PANAYAM NITO SA PTV 4

MMCHD NEWS RELEASE NO. 75
June 9, 2022

Sa programang Rise and Shine Pilipinas ng PTV 4, inilahad ni Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) Regional Director Gloria J. Balboa ang mga pamamaraan kung paano maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit na Dengue ngayong panahon ng tag-ulan.

Mababatid na ginugunita tuwing buwan ng Hunyo ang National Dengue Awareness Month sa bansa upang itaas ang kamalayan ng publiko sa mga hakbang sa pag-iwas laban sa sakit na dala ng lamok.

Ayon kay Dir. Balboa, ang Dengue ay isang viral infection na nakukuha ng isang indibidwal sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na tinatawag na Aedes Aegypti o Aedes Altropicus na kadalasang nangangagat sa pagitan ng 6:00 AM hanggang 8:00 AM at 4:00 PM hanggang 8:00 PM.

Aniya ang mga lamok na ito ay nangingitlog at namumugad sa mga tubig na naiipon sa mga gamit na naka imbak o nakakalat.

Kaya naman nananawagan si Dir. Balboa sa publiko na sundin ang 4S Strategy upang mapuksa ang sakit na Dengue, kinabibilangan aniya ito ng Search and destroy mosquito breeding places na umano’y kaakibat ng 4 o’clock habit kung saan susuyurin at sisirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok. Self Protection, gaya ng pagsusuot ng mahahabang manggas, pantalon, at paggamit ng insect repellants. Seek early consultation, o pagsangguni sa pinakamalapit na pagamutan kung mayroong nararamdamang sintomas ng Dengue upang ito’y maagapan. Gayundin ang Support fogging/spraying only in hotspot areas where increase in cases is registered for two (2) consecutive weeks to prevent an impending outbreak.

Samantala, kabilang sa mga sintomas ng sakit na Dengue ay ang biglaang pagtaas ng lagnat na maaaring tumagal mula sa dalawa (2) hanggang pitong (7) araw, sakit sa kasukasuan at kalamnan, panghihina, rashes sa balat, pananakit ng tiyan, pagdurugo ng ilong at gilagid, pagsusuka ng kulay na kape, madilim na kulay na dumi, kahirapan sa paghinga, at pananakit sa likod ng mata.